ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | September 11, 2021
Ayon sa ilang malalapit na kaibigan ni Ejay Falcon, malamang daw na sumabak sa pulitika ang aktor ngayong darating na Halalan 2022.
Hindi pa tinukoy kung ano'ng posisyon ang kanyang pinapangarap na sungkitin, kung sa pagka-mayor ba o ang pagiging mambabatas gaya ng kanyang mga kapwa celebrities na sina Yul Servo, Alfred Vargas at Dan Fernandez na naging congressman ng kani-kanilang distrito.
Kung pagbabasehan ang mga litratong ibinabahagi ng aktor sa social media, mukha ngang desidido ang aktor na maging public servant, gaya na lang nitong Agosto, naging sunud-sunod ang pagbisita ni Ejay sa iba’t ibang munisipyo sa kanyang bayang sinilangan, ang probinsiya ng Oriental Mindoro.
Makikita sa mga litratong ibinahagi ni Ejay sa kanyang mga tagasuporta ang mga events sa kanilang lugar na pinupuntahan niya, kung saa'y kasama niya sa mga larawan ang kasalukuyang nakaupong gobernador ng probinsiya na si Humerlito “Bonz” Dolor.
Sa isa pang video, tila inuumpisahan na nga nito ang sumabak sa pulitika dahil makikita ang aktor na nagtatalumpati at humihingi ng suporta sa ilang residente ng binisitang lugar na sumalubong sa kanya.
Sa panayam kay Ejay, balang-araw daw ay inaasahan nito ang suporta ng mga taong nakakasalamuha sakaling dumating na ang tamang panahon o ang pag-anunsiyo ng kanyang kandidatura sa Oktubre.
“‘Yung sigaw at excitement ninyo, sana po, madala natin ‘yan pagdating ng tamang panahon, ang suporta ninyo. Kayo pong lahat dito, sana po, suportahan n’yo kami. Kaya po kami nandito ngayon, nagkakaisa at nagpapakilala po sa inyo,” sigaw pa ni Ejay.
Sabi pa ni Ejay habang ipinakikilala ang kanyang sarili sa mga taong dumadalo sa kanilang mga bayang pinupuntahan, gusto umano niyang magpakilala at makapaglingkod sa mga taong ito.
Aniya sa kanyang talumpati, “Ako po si Ejay Falcon. Kahit po hindi n’yo ako tingnan bilang artista, tingnan n’yo ho ako bilang kababayan n’yong Mindoreño na gustong maglingkod sa inyo.”
So, alam na this!
Comments