Nag-date, ‘di ma-solo… PIOLO, KUMANTA KUNG BAKIT UMATRAS KAY TONI
- BULGAR
- Apr 11
- 3 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Apr. 11, 2025
Photo: Piolo at Toni sa Toni Talks - YT
Sa isang dating interview kay Piolo Pascual, hindi niya itinanggi na nanligaw siya noon kay Toni Gonzaga. Bagong lipat lang noon sa Kapamilya Network si Toni at nagsisimula pa lang sumikat.
Taong 2006 ‘yun at hindi makapaniwala si Toni na liligawan siya ni Piolo.
Ganunpaman, base sa kuwento ni Piolo, laging maraming kasama si Toni kapag sila ay lumalabas. Hindi niya ma-solo at lagi pang busy sa kanyang mga commitments. Kaya nagpaubaya na lang si Papa P at hindi na itinuloy ang panliligaw kay Toni.
Kaya kapag nagkikita sila ngayon ay natatawa na lang sila kapag naaalala ang kanilang “younger days”.
Pero hindi man nagkaroon ng relasyon, nananatiling magkaibigan sina Piolo at Toni.
Marami ang naawa at nakisimpatya kay Dennis Padilla sa ginawang pag-etsapuwera sa kanya bilang ama sa kasal ng anak niyang si Claudia Barretto.
Galing sa mayamang angkan ang napangasawa ni Claudia na si Basti Lorenzo. Inimbitahan at pinadalo si Dennis sa kasal, pero wala siyang partisipasyon bilang “Father of the Bride”. Hindi siya nabigyan ng importansiya sa araw ng kasal ng kanyang anak.
Si Marjorie Barretto ang naghatid sa altar kay Claudia, at si Dennis ay isinama sa lugar ng mga ninong sa kasal. Itinuring siyang isang bisita.
Kaya naman sa labis na sama ng loob ay nagpahayag si Dennis na hindi na niya ipipilit ang kanyang sarili sa mga anak. Ginawa na raw niya ang lahat upang sila ay magkasundu-sundo. Nagpakumbaba na siya sa mga anak. Pero sobrang tigas daw ng loob ng mga ito at patuloy siyang tinitikis.
Awang-awa na si Dennis Padilla sa kanyang sarili. Masakit man sa kanyang loob, pinuputol na rin niya ang ugnayan sa mga anak.
Sa puntong ito, sino kaya ang dapat na sisihin? Wala bang nagawa si Marjorie Barretto at hindi napagsabihan ang kanyang mga anak?
SIMULA nang magmarka si Ashley Ortega bilang “first evictee” sa Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Collab Edition, nagkaroon ng pagbabago sa kanyang career, lalo na nang mabunyag sa publiko ang tampuhan nila ng kanyang ina na 3 taon niyang hindi nakikita at nakakausap.
Marami ang nagkainteres na subaybayan ang lahat ng kaganapan sa buhay ni Ashley. At kahit medyo pasaway ang kanyang imahe, marami pa rin ang nakakaintindi sa kanya.
At maraming fans ang natuwa sa balitang papasok na si Ashley sa action seryeng Lolong. Ano kaya ang magiging role ni Ashley sa action serye? Mali-link ba siya sa bidang si Ruru Madrid?
Samantala, ibang-iba ang naging transformation ni Lolong (Ruru) nang siya ay mapadpad sa Maynila. Nagkaroon siya ng mga kakampi tulad ni Rowell Santiago.
Maraming viewers din ang nagsasabing bagay kay Ruru Madrid ang short hair at pagiging maskulado. Action star na ang kanyang porma.
Dating head ng Star Magic… JOHNNY MANAHAN, BABU NA SA GMA-7, SA TV5 NAMAN
MARAMI ang nagtatanong at labis na nagtataka sa balitang lilipat na si Mr. Johnny Manahan a.k.a. Mr. M sa TV5 ngayong tapos na ang kontrata niya sa GMA Network.
Galing ABS-CBN si Mr. M at siya ang dating head ng Star Magic bago napunta sa GMA-7.
Bakit daw hindi na ni-renew ang kanyang kontrata sa Kapuso Network? May mga bagay ba silang hindi mapagkasunduan? Hindi ba nakapag-deliver si Mr. M sa inaasahan sa kanya ng Kapuso Network upang ma-push ang career ng mga Sparkle artists?
Masusubok ang “Midas’ Touch” (anumang hawakan niya’y nagiging ginto o kumikita) ni Direk Johnny Manahan sa kanyang paglipat sa Kapatid Network.
And for sure, maraming pagbabagong gagawin si Mr. M sa mga talents at shows ng TV5.
Comments