top of page
Search
BULGAR

Nag-brownout, generator pinaandar, nagliyab.. Mercury Drug nasunog, P40M tupok

ni Gina Pleñago | June 3, 2023




Tinatayang aabot sa halagang P40 milyon ang nilamon ng apoy sa sunog sa stock room ng isang sangay ng Mercury Drug, kahapon ng umaga sa Parañaque City.


Ilang katabing establisimyento ang nadamay kabilang ang isang computer shop, tanggapan ng isang security agency at pahayagang Brigada, isang boutique at maging ang bahagi ng Land Transportation Office (LTO).


Ikinuwento ng guwardiyang si Raymund Tojong, alas-8:30 ng umaga nang mawalan umano ng supply ng kuryente sa binabantayang drug store sa Olivarez Plaza sa Ninoy Aquino Ave., Bgy. San Dionisio, Sucat. Pinuntahan niya ang generator ng naturang

establisimyento upang ito’y paandarin,


Makalipas lamang ang ilang minuto ay bigla na lamang aniyang nagliyab ang kuryente malapit sa generator hanggang sa tumawid na ang apoy patungo sa stock room area kaya’t agad niyang iniligtas ang ilan niyang mga mahahalagang gamit.


Base sa ulat ng BFP na nakarating sa tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/Brig. Gen. Kirby John Kraft, alas-10:25 ng umaga nang makontrol ng mga pamatay-sunog ang apoy na umabot sa ikatlong alarma hanggang tuluyang naapula ala-1:35 ng hapon.


Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang Parañaque Bureau of Fire Protection (BFP) sa ilalim ng pangangasiwa ni Fire Marshal Supt. Eduardo Loon upang alamin ang dahilan ng pagsiklab ng apoy.


Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa naturang sunog.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page