ni Lolet Abania | July 13, 2021
Tinatayang nasa 4.2 milyong pamilyang Pilipino ang nakaranas ng gutom sa halos nakalipas na tatlong buwan kasabay ng pagtaas ng tinatawag na hunger rate sa Pilipinas, ayon sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa isinagawang poll ng SWS sa 1,200 indibidwal mula April 28 hanggang May 2, 2021, nasa 16.8 porsiyento ay nakaranas ng gutom dahil sa kawalan ng supply ng pagkain o makakain.
“The May 2021 Hunger rate is 0.8 points above the 16.0 percent or estimated 4.0 families in November 2020. It is 4.3 points below the 2020 annual average of 21.1 percent, but still double the December 2019 pre-pandemic level of 8.8 percent or around 2.1 million families,” pahayag ng SWS.
Batay sa SWS, ang Mindanao sa ngayon ang naitalang may pinakamataas na insidente ng hunger rate o kagutuman na nasa 20.7 porsiyento o 1.2 milyong pamilya. Kasunod ang Visayas na may 16.3 porsiyento o 776,000 pamilya, Balance Luzon na may 15.7 porsiyento o 1.8 milyong pamilya at Metro Manila na may 14.7 porsiyento o 496,000 pamilya.
Ayon sa SWS noong November, 2020, ang hunger rate ay nasa 23.3% sa Metro Manila, 16.0% sa Mindanao, 14.4% sa Balance Luzon at 14.3% sa Visayas.
Ipinaliwanag din ng SWS na ang 16.8 porsiyento ng hunger rate noong May, 2021 ay ang kabuuan ng 14.1 porsiyento o 3.6 milyong pamilya na nakaranas ng moderate hunger o katamtamang kagutuman habang nasa 2.7 porsiyento o 674,000 pamilya ang nakaranas naman ng severe hunger o matinding kagutuman.
Dagdag pa ng SWS, ang moderate hunger ay iyong mga nakaranas ng gutom na “only once” o “a few times” habang ang severe hunger ay nakaranas ng “often” o “always” sa nakalipas na 3 buwan.
Ito ay isang non-commissioned survey na nagtataglay ng isang sampling error margin ng ±3 porsiyento para sa national percentages.
Resulta marahil ito ng pagpapatupad ng gobyerno sa Metro Manila at apat na kalapit-lalawigan na isailalim sa mahigpit na 4 lockdown levels nitong huling linggo ng Marso dahil sa pagsirit ng COVID-19 cases sa bansa, kung saan nagpatuloy pa ng mga sumunod na buwan.
Ayon naman sa Department of Trade and Industry (DTI), karamihan sa mga industriya at kumpanya ang pansamantalang nagsara habang marami rin ang nawalan ng trabaho na umabot sa 1.5 milyong indibidwal.
Comments