ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | August 26, 2021
Dear Sister Isabel,
Ang problemang idudulog ko sa inyo ay masyadong confidential. Hindi ko na alam ang gagawin ko dahil nagka-ibigan kami ng first cousin ko nang lingid sa kaalaman ng mga magulang namin. Naitago namin ito sa kanila at masaya kami, lalo na kapag magkasama kami maghapon. Parang walang pagsidlan ang aming kaligayahan, pero ang problema ay buntis ako ngayon at siya ang ama. Hindi ko na maililihim ito dahil palaki na nang palaki ang aking tiyan. Ang sabi niya, ipalaglag ko na hangga’t hindi pa natutuklasan ng mga magulang namin, pero nagalit ako sa kanya nang marinig ko ang gusto niyang mangyari sa anak namin.
Hindi na siya nagpakita sa akin mula noon at nagsisisi na ako sa mga nangyayari. Ano ang dapat kong gawin? Alam kong mali ang nagawa ko dahil pumatol ako sa pinsang buo ko na alam ko ring bawal dahil magkamag-anak kami. Sana ay mabigyan ninyo ako ng kaukulang payo.
Nagpapasalamat,
Belinda ng Lucena City
Sa iyo, Belinda,
Napakahirap at maselan ang napasukan mong problema. Unang-una, pinsang buo mo ang nakabuntis sa iyo, kung saan bawal na bawal ang ganyang relasyon dahil magkadugo kayo. Kalimitan ay abnormal ang nagiging anak kapag magkadugo ang nagka-ibigan, pero nand’yan na ‘yan. Ang pinakamaganda mong gawin ay ipagtapat muna sa iyong tita na ka-vibes mo ang iyong problema. ‘Yung tita mo na mauunawaan ka at maaawa sa kalagayan mo at alam mong malapit at kasundo ng parents mo. Siya na ang bahalang magsabi sa nanay mo ng nangyari sa iyo.
Sa umpisa, tiyak na magagalit ang nanay mo at hindi muna niya sasabihin sa tatay mo pero sa huli, uunawain ka nila at tutulungang maiayos ang lahat. ‘Ika nga, walang inang matitiis na pabayaan ang sariling anak sa matinding problemang sinapit niya gaya ng nangyari sa iyo. Umasa kang maiintindihan ng iyong mga magulang ang lahat. Taimtim ka ring manalangin sa Diyos at humingi ng tawad sa kasalanang nagawa mo.
Tungkol naman sa ama ng magiging anak mo, Diyos na ang bahala sa kanya. Ang Diyos ay makatarungan. Siya ang gagawa ng marapat na hakbang sa taong nakabuntis sa iyo, kaya huwag kang masyadong mag-alala. Makakasama ‘yan sa ipinagbubuntis mo at lalong huwag na huwag mong isipin na ipalaglag ang bata. Hindi malulutas ng panibagong problema ang kasalukuyang problema mo.
Sana ay maunawaan mo lahat ang sinabi ko sa iyo. Lakip nito ang dalangin na malagpasan mo ang matinding problemang dinadala mo sa kasalukuyan. Magsilbing aral nawa sa iyo na hindi dapat pagkatiwalaan agad ang kalalakihan. Huwag patol nang patol kahit sa pinsan. Gamitin, hindi lamang ang puso kundi pati ang iyong isipan upang hindi mapasubo sa matinding suliraning mahirap lutasin.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments