Nabuntis ng anak ng employer, problemado dahil inilayo ng boss ang bf
- BULGAR
- Sep 20, 2021
- 2 min read
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | September 20, 2021
Dear Sister Isabel,
Una sa lahat, binabati ko kayo ng isang mapayapa at mapagpalang araw, ligtas sa anumang sakit o karamdaman, gayundin ang inyong pamilya at mga kasamahan d’yan sa BULGAR.
Mala-telenobela ang isasangguni ko sa inyong problema. Isa akong OFW at dito ko nakilala ang unang lalaking nagpatibok ng puso ko. Koreano siya at mas bata sa akin at napabibilang sa mayamang angkan. Ayaw sa akin ng mga magulang niya kaya lihim lang ang aming relasyon. Sa kanilang bahay din ako nakatira kasama ng iba pang trabahador nila dahil sila ang may-ari ng factory na pinapasukan namin, gayundin, doon kami nagka-ibigan ng anak ng employer ko.
Tama pala ang kasabihang walang lihim na hindi nabubunyag dahil natuklasan ng parents niya ang aming relasyon at inilayo siya sa akin at dinala siya sa China. Siya ang naging tagapamahala ng gasoline station nila roon.
Labis akong nalungkot at sobrang nasaktan sa nangyari dahil hindi na niya nagawang magpaalam sa akin. Naging sunud-sunuran na lang siya sa mga magulang niya at wala rin siyang magawa. Dalawang linggo ang lumipas, natuklasan ko na buntis ako at hindi ko alam kung paano kokontakin ang boyfriend ko dahil wala siyang iniwan na contact number o address.
Sister, hindi ko alam ang gagawin ko, litong-lito na ako. Takot naman akong sabihin sa parents niya dahil tutol nga sila sa relasyon namin. Isa pa, hindi rin alam ng mga magulang ko sa ‘Pinas ang problemang kinakaharap ko.
Ano ang dapat kong gawin? Umaasa ako na matutulungan ninyo ako sa aking problema. Malaki ang tiwala ko sa kakayahan ninyo sa pagbibigay ng tamang payo sa mga may problema sa buhay. Hihintayin ko ang inyong kasagutan.
Nagpapasalamat,
Gloria
Sa iyo, Gloria,
Una sa lahat, alalayan mo ang iyong sarili at ingatan ang sanggol sa iyong sinapupunan. Huwag kang mabahala dahil makakasama ‘yan sa sanggol na dinadala mo at pati na rin sa iyong kalusugan. Ang pinakamabuti mong gawin ay sabihin sa parents niya ang kalagayan mo.
Gayunman, ihanda mo ang iyong sarili sa anumang magiging pasya nila. Sa palagay ko, kapag nalaman nila na magkakaapo na sila, magbabago ang pagtingin nila sa iyo. Tatanggapin ka nila nang maluwag sa kalooban at ipagbibigay-alam sa anak nila na magkakaanak na pala kayo.
Kadalasan ay ganyan ang mga magulang, sa umpisa ay tutol pero kapag nalamang magkakaapo na sila, bigla silang bumabait at tinatanggap ang magiging manugang nang maluwag sa kanilang kalooban.
Lakasan mo pa ang iyong loob at itaon mo na maganda ang mood ng magiging biyenan mo at ipagtapat sa kanila ang lahat. Huwag ka ring makalimot na tumawag sa Diyos, magdasal ka nang taimtim na patnubayan ka sa pagsasabi sa mga magulang ng boyfriend mo na buntis ka na at ang anak nila ang ama ng dinadala mo. Lahat ng problema ay may kalutasan, umasa kang sa darating na araw, ang awa at pagpapala ng Diyos ay makakamit mo nang lubusan at magiging maayos ang lahat. Manalig ka sa kapangyarihan ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay, kasama na rin ang sanggol na nasa iyong sinapupunan.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments