top of page
Search

Nabuhay ang pag-asa ng sambayanan na malilinis ang hanay ng PNP

BULGAR

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 10, 2021



Tuwang-tuwa ang napakarami sa ating mga kababayan makaraang lumabas ang balita na may bago nang itinalagang Philippine National Police (PNP) Chief sa katauhan ni Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar.


Ito ay matapos kumpirmahin ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año noong Miyerkules, Mayo 5 ay itinalaga na si Eleazar bilang kapalit ng outgoing PNP chief Debold Sinas, na tuluyan nang nagretiro noong nakaraang Mayo 8.


Hindi lang ang marami sa ating kababayan ang tumaas ang pag-asa sa pagkakaluklok kay Eleazar dahil maging ang marami sa mga kasamahan kong Senador ay nagpahayag ng mga positibong reaksiyon.


Mismong si Senate President Vicente Sotto III ay suportado ang sa naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Eleazar ang italagang bagong PNP Chief na umano’y “best” man for the job.


Sa tweet mismo ni Senate President Sotto noong Miyerkules ay sinabi nitong si Gen. Guillermo Eleazar ay best choice ever as PNP Chief at tinawag pa niya itong ‘A noble man’.


Ito rin ang kasalukuyang pananaw ng marami sa ating mga kababayan na biglang nabuhay ang bagsak na bagsak nang pag-asa para sa ating kapulisan na palagi na lamang nasasangkot sa mga maanomalyang aktibidades.


Sa tuwing magtatalaga na ang Pangulo ng bagong Chief PNP ay napakarami talaga nang umaasa na si Eleazar na ang dapat na italaga dahil sa sobrang sipag at galing na ipinakita nito bukod kasi sa pagiging most senior official ng PNP.


Kahit nga si Senator Ronald “Bato” dela Rosa, na pinakaunang itinalagang PNP chief ng kasalukuyang administrasyon ay nagsabing “excellent choice” umano si Eleazar bilang bagong PNP chief.


Bago umabot sa number 2 rank si Eleazar o bilang deputy chief for administration ay pinamunuan nito National Capital Region Police Office (NCRPO) kung saan nasungkit nito ang kauna-unahang “Best Police Regional Police Office” award.


Ngunit bago ito ay naging regional director din siya sa Calabarzon police; nagsilbi rin siya bilang Quezon City Police District (QCPD) director at namuno sa PNP’s Anti-Cybrecrime Group.


Kumbaga ay hindi talaga matatawaran ang kalidad ng liderato ng panunungkulan ni Eleazar bilang pulis at hindi basta-basta maihahambing ang level ng kanyang professionalism bilang mahusay na kaanib ng PNP.


Kaya nabanggit natin ang lahat ng mga kataingan ni Eleazar bunga ng kanyang pagsisikap at katapatan dahil sa bihira ang itinatalagang PNP chief na may ganitong klase nang pagtanggap na halos lahat ating mga kababayan ay nagkaroon ng malaking pag-asa.


Pag-asa na sa panunungkulan ni Eleazar bilang PNP chief ay magkakaroon ng malaking pagbabago sa loob ng PNP dahil nakita ng mga tao kung gaano ito kasipag at kahigpit pagdating sa disiplina sa kanyang nasasakupan.


Si Eleazar na kahit minsan ay hindi nasangkot sa anumang kontrabersiya at alingasngas ay nakilala dahil sa mabilis at malinaw na pagtugon nito sa mga bagay-bagay na inilalapit sa pulisya.


Kilala rin si Eleazar na regular na sinusorpresa ang mga presinto sa iba’t ibang lugar sa dis-oras ng gabi upang matiyak lamang na gising ang mga nakatalagang pulis at napakarami na rin niyang naaktuhang nag-iinuman pa sa loob mismo ng istasyon ng pulisya.


Ganito nakilala si Eleazar kaya nang pumutok ang balita na siya na ang bagong PNP chief ay nabuhayan ang marami sa ating mga kababayan na isang araw ay mababago ang imahe ng pulisya dahil sa kaniyang pamumuno.


Hindi na naman natin dapat isa-isahin pa ang mga anomalya na kinasasangkutan ng ilang tiwaling pulis na sumisira sa napakagandang layunin ng buong puwersa ng PNP.


Alam naman nating hindi lahat ng kaanib ng PNP ay gumagawa ng masama, ngunit nadadamay ang napakaraming mabubuting pulis dahil sa tumataas na ang bilang ng mga gumagawa ng tiwali.


Sana ay huwag madismaya ang ating mga kababayan na umaasa sa husay at katapatan ni Eleazar at inaasahang uunahin niya ang internal cleansing sa loob ng PNP para maisalba ang mas marami pang mabubuting pulis.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page