ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 29, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Dianne na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Gusto kong malaman ang kahulugan ng aking panaginip. Sa panaginip ko, ako si Alice ng Alice in Wonderland. Ibang-iba ang hitsura ko dahil naka-dress ako at brown ang buhok ko. Basta palaging Alice in Wonderland ang tema ng panaginip ko.
Naghihintay,
Dianne
Sa iyo, Dianne,
Ang mga babae ay hindi puwedeng hindi ma-in love sa istorya ng Alice in Wonderland, pero ito ay nangyayari sa panahon ng kanilang kabataan, partikular na sa kanilang pagiging dalagita o papalapit na sa pagiging ganap na dalaga.
Nangyayari ito dahil ang babae ay ayaw umalis sa kanyang kabataan o pagkabata. Ito ay sa dahilan na nakikita niya sa kanyang kapaligiran na hindi maganda ang naging adult life. Maaaring nakita niya ang isa sa kanyang kakilala o malapit sa puso kung saan ang ganap nang dalaga ay naging malungkot lang. Gayundin, siya ay bigo sa buhay at alipin ng kahirapan at sunud-sunuran lang sa mga nasa paligid niya.
Maaaring nakita niya na rito pala sa ibabaw ng mundo, ang malakas ay naghahari at ang mahina ay inaabuso. Para sa kanya, ang mahina ay ang kababaihan.
Sa ganitong kaisipan na mabubuo sa kanyang pagkatao, gusto niyang takasan ang malupit na mundo na walang saya at puro lungkot lang ang nadarama.
Dahil gusto niyang tumakas, ang kanyang gustong mapuntahan ay ang Alice in Wonderland. Dito masasalamin sa iyong panaginip na nabubuhay ka sa kalungkutan, kaya tulad ng nasabi na, ang gusto mo ay ang mundo na mala-wonderland.
Kathang-isip lang ang wonderland dahil ang tunay na mundo ay ang reyalidad at ito ay may dalawang larawan. Ang una ay ang negatibo at ang isa pa ay ang positibong reyalidad.
Dahil dito, piliin mo ang positibong reyalidad dahil kapag ito ang iyong napili, ang dilim ay iyong pasasalamatan dahil ito ay manganganak ng bagong umaga.
Ang lungkot ay iyo ring pasasalamatan dahil kailangang malungkot nang mabigyang-daan ang maliligayang araw.
Muli, piliin mo ang positibong mundo at huwag mong yakapin ang negatibong mundo.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
תגובות