ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga! | June 01, 2021
Nang makausap si Ogie Diaz ay naglabas ng sama ng loob si Megastar Sharon Cuneta laban sa isang laboratory sa Los Angeles, California kung saan siya nagpa-swab test nang dumating siya ru'n para sana sa gagawing Hollywood movie tungkol sa buhay ng sikat na rapper na si Jo Koy.
Ilang minuto pa lamang habang nakikipag-meeting si Sharon para sa final negotiation ng movie project ay tumawag daw ang staff ng nasabing laboratory upang ipaalam na positive ang resulta ng kanyang swab test.
Nabigla at para raw yelong natutunaw si Sharon nang marinig ang balita. Biglang-bigla, kanselado na ang kanyang ginawang paghahanda para sa movie na ididirek ni Steven Spielberg. At wala siyang nagawa kundi iyakan at ma-depressed sa nangyari.
Pero, minabuti ni Shawie na kumontak ng iba pang laboratories na nagsasagawa ng swab test sa LA, California. Hindi lang isa kundi pitong laboratories ang nagsagawa ng swab test sa kanya dahil gusto ni Mega na matiyak kung accurate ang resulta ng unang laboratory na nag-swab test sa kanya na nagsabing positive siya sa COVID.
At ikinagulat ni Sharon Cuneta na ang resulta ng 7 swab tests sa kanya ay iisa — NEGATIVE!
Sa tindi ng sama ng loob ay ayaw nang banggitin ni Sharon Cuneta ang pangalan ng laboratory sa LA, California na sumira sa kanyang pangarap na makalabas sa isang Hollywood movie.
Kaya ang payo ni Sharon sa iba, kung nagpa-swab test at duda kayo sa resulta, magpa-swab test ulit sa ibang laboratories para makasiguro.
Comments