ni Lolet Abania | June 28, 2021
Pinag-aaralan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagluluwag sa mga travel restrictions para sa mga indibidwal na fully vaccinated kontra-COVID-19.
Ayon kay Department of Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, makikipagpulong sila sa IATF ngayong Lunes upang talakayin ang posibilidad na i-waive na ang mga swab test results ng mga biyahero na nakatanggap na ng dalawang doses ng COVID-19 vaccines.
“May IATF meeting kami this afternoon, ang pinag-uusapan kung paano, let’s say kung fully vaccinated naman, baka hindi na kailangan mag-RT-PCR, pero ‘yun ay pinag-uusapan,” ani Puyat sa Laging Handa virtual briefing.
Matatandaang pinayagan ng gobyerno ang leisure travel para sa lahat ng edad mula sa NCR Plus bubble gaya ng Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan, sa mga tourist destinations sa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ).
Kinakailangan na magpakita ang mga travelers na below 18-anyos at mga edad 65 pataas ng negative RT-PCR test result para sa lahat ng tourist destinations na kanilang pupuntahan, kung saan requirement din ito sa lahat ng turista sa ilang lokal na pamahalaan.
Binanggit naman ni Puyat kamakailan na pinaplano rin nila na ang quarantine ay hindi na i-require sa mga turistang fully vaccinated sa mga susunod na buwan.
Samantala, pinalawig na rin ng DOT ang kanilang subsidy program, kung saan sinasagot nila ang 50% ng RT-PCR tests ng mga kuwalipikadong turista sa pakikipagtulungan ng Philippine Children’s Medical Center at ng Philippine General Hospital.
Comments