ni Lolet Abania | June 18, 2021
Iminungkahi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na magpatupad ng segregation o paghihiwalay ng mga nabakunahan na at hindi pa nabakunahang indibidwal sa mga establisimyento.
Sinabi ni Concepcion na kinokonsulta na nila ang mga eksperto hinggil sa usapin sa private sector sa tinatawag na ‘next normal.’
“We’ve been discussing on the idea of segregation kasi bawal na i-ban namin those who will not take the vaccine to enter an establishment,” ani Concepcion sa isang virtual interview ngayong Biyernes.
Tinukoy ni Concepcion ang naging pahayag kamakailan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra. Aniya, dapat na magkaroon ng batas na nagbabawal umano sa mga 'di pa nabakunahan na pumasok sa mga establisimyento.
Gayunman, ayon kay Concepcion, kung ang segregation ay maipatutupad, dapat na magtakda lamang ng magkaibang oras para sa mga vaccinated at unvaccinated na indibidwal na papasok sa mga business establishments gaya ng mga sinehan at bars.
“Paano kung puwedeng segregation, sa movie time,” ani Concepcion. “Maybe those vaccinated will have a set time in the movie theater and then those that are not vaccinated will have this time,” dagdag niya.
Comments