ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 25, 2022

Matapos ang tatlong taong paghihintay ay magbabalik aksyon ang National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) para sa kanilang ika-20 torneo ngayong Mayo 27 sa Novadeci Convention Center sa Novaliches. Pitong paaralan ang nakatakdang magtagisan ng husay sa Seniors Basketball sa pangunguna ng defending champion Saint Clare College of Caloocan.
Hahanapin ng Saints ang ika-limang sunod na kampeonato at pang-anim sa kasaysayan ng liga. Nagkampeon ang Saint Clare sa huling NAASCU noong Oktubre, 2019 kung saan nanaig sila sa Enderun Colleges Titans sa seryeng best-of-three, 2-1.
Tiyak na ganadong makabawi ang Titans at makamit ang unang kampeonato nila sa NAASCU. Ang iba pang hahamon sa Saint Clare ay ang 2006 champion AMA University Titans, Our Lady of Fatima University Phoenix, Manuel L. Quezon University Stallions, Philippine Christian University Dolphins at Technological University of the Philippines Grey Hawks.
Isang payak na palabas at parada ng mga atleta ang magbubukas ng torneo simula 10:00 ng umaga. Unang sasalang agad ang Saint Clare laban sa PCU sa 11:00 ng umaga at susundan agad ng tapatan ng TUP at Fatima sa 12:30 ng tanghali at MLQU kontra AMA sa 2:00 ng hapon habang bumunot ng liban ang Enderun.
Maglalaro ang pitong paaralan ng single round o tig-anim na beses bawat isa. Ang dalawang may pinakamataas na kartada ay tutuloy sa semifinals taglay ang twice-to-beat habang ang ikatlo hanggang ika-anim ay daraan muna sa knockout quarterfinals.
Ang kampeonato ay seryeng best-of-three. Ipapalabas ang lahat ng laro sa opisyal na Facebook ng NAASCU (@naascu2001).
Gaganapin ang mga laro tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes. Maaaring manood ang publiko basta sumunod lang sa mga itinakdang health protocol kabilang ang pagsuot ng facemask.
Comments