ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | May 03, 2021
Dear Sister Isabel,
Binabagabag ako ng aking konsensiya dahil sa isang lihim na ako at ang aking pamilya ang nakakaalam. Naanakan ako ng kasamahan ko sa trabaho at naganap ito sa abroad kung saan kami nagkaibigan. Mabait siya at mahal na mahal ako sa kabila ng katotohanang may asawa at dalawang anak siya sa Pilipinas. Na-terminate kami at pinauwi, kaya isinama niya ako sa probinsiya niya sa Mindanao at doon ko isinilang ang anak namin. Hindi ko akalain na nananakit pala siya, lalo na ‘pag alipin ng bawal na gamot.
Dahil dito, nagbalak akong takasan siya at umuwi sa probinsiya namin. Nahuli niya ako kaya hindi natuloy ang pagtakas ko. Kalaunan ay pumayag na siya na umuwi ako kasama siya at ang anak namin. Nagkasundo kami na magsama nang maayos alang-alang sa aming anak, subalit umiral ang masama niyang ugali.
Hindi niya napipigilan na bugbugin ako dahil patuloy pa rin pala siyang tumitikim ng bawal na gamot. Nang malaman ng mga magulang ko, itinago nila ako at inilayo sa kanya. At para tuluyan nang makaiwas, nag-apply ako ulit sa abroad. Biglang dumating sa bahay ang asawa ko at nagmamakaawa at gustong makita ang anak namin, kasabay ng pangako na magbabago siya. Katunayan nga, kalalabas niya lang daw sa rehabilitation center, naniwala naman ako at sinabi ang plano kong pag-a-abroad. Pumayag siya sa kondisyong sa kanya iiwanan ang aming anak at pumayag din ako.
Hindi nagtagal, natanggap ako sa abroad. Palagi akong nagpapadala ng pera sa anak ko, ngunit kalaunan ay naputol ang contact namin. Inilayo niya ang anak ko at nag-migrate sila ng dati niyang asawa sa ibang bansa. Tanggap ng asawa niya ang anak namin at itinuring na parang tunay niyang anak.
Ano ang gagawin ko para mabawi ang anak namin? Nag-research ako sa Facebook upang mahanap ang anak ko, subalit nabigo ako at hindi ko matagpuan ang kinaroroonan nila. Ayokong lumaki ang bata na hindi ako ang kinikilalang ina.
Gumagalang,
Elsa ng UAE
Sa iyo, Elsa,
Sa aking palagay ay makabubuting hayaan mo na muna ang iyong anak sa ama niya. Tutal tanggap naman pala ng asawa niya ang bata at itinuturing na tunay na anak, natitiyak kong maganda ang magiging kinabukasan niya sa piling ng kanyang ama at kinikilalang pamilya. Sa kabilang dako, kung kukunin mo ang bata ay baka mapabayaan mo siya at hindi magabayan dahil nagtatrabaho ka sa abroad.
Isa pa, tiyak na iiwan mo lang ang anak mo sa pamilya mo na hindi ka naman nakakasiguro na hindi nila ito mapapabayaan. Sa katunayan nga, dapat kang magpasalamat dahil sarili niyang ama ang nag-aalaga sa kanya. Nakasisiguro ka na hindi pababayaan ang bata at mabibigyan ito ng magandang kinabukasan. Ipagpasa-Diyos mo na lang ang lahat dahil sa takdang panahon, hahanapin ka rin ng anak mo at mauunawaan niya ang mga pangyayari.
Matapat na sumasaiyo,
Sister Isbel del Mundo
Comentários