ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | April 07, 2021
Dear Sister Isabel,
Sana ay matulungan n’yo ko sa idudulog kong problema sa inyo. Umiibig ako sa boyfriend ng bestfriend ko. Noong una, hindi ko naman siya pinapansin, subalit nitong huli, naramdaman ko na umiibig ako sa kanya at siya ay ganundin sa akin.
Madalas, ako ang chaperon ng bestfriend ko kapag kakain kami sa labas dahil gusto niya na palagi akong kasama. Alam niyang bihira akong lumabas ng bahay para makipag-bonding sa kaibigan. Sa dalas ng aming paglabas-labas kasama ang boyfriend niya, parang sa akin nabaling ang pagtingin nito. Selosa ang bestfriend ko at kahit walang kabagay-bagay, sinisita niya ang boyfriend niya hanggang sa tuluyan nang masagad ang pasensya nito.
Ako ang madalas na namamagitan sa tuwing sila ay nag-aaway hanggang napansin kong nabaling sa akin ang pagmamahal ng boyfriend niya habang ako ay ganundin.
Ano ang gagawin ko? Hindi ko na maatim na kimkimin sa aking puso ang aking damdamin. Feeling guilty din ako sa bestfriend ko dahil sa mga nangyayari.
Gumagalang,
Jessica ng Kawit Cavite
Sa iyo, Jessica,
Sadyang mapagbiro ang tadhana dahil may mga bagay na hindi natin maiiwasan. Sa nakikita at nararamdaman ko, kayo mismo ng boyfriend niya ang magkapalaran kaya tadhana na mismo ang gumagawa ng paraan para ibaling ng boyfriend niya sa iyo ang pagmamahal niya sa bestfriend mo.
‘Ika nga, walang lihim na hindi nabubunyag. Sa susunod na isama ka ng bestfriend mo na kumain sa labas kasama ang boyfriend niya, unti-unti ka nang umiwas nang sa gayun makapag-isip siya. Sa kabilang dako, kapag napansin niya na matabang na ang pagtingin sa kanya ng boyfriend niya at halos wala nang panahon sa kanya, unti-unting mawawala ang pagmamahal niya rito at tatanggapin niyang hindi sila ang magkapalaran hanggang sa tuluyan na itong makipaghiwalay.
Pana-panahon ang lahat, kaya sa takdang panahon, natitiyak ko na ang itinakda ay itinakda na at kayo ng boyfriend niya ang magkakatuluyan.
Ang bestfriend mo naman ay matatagpuan ang itinakda ng kapalaran sa kanya na magdudulot ng kaligayahang inaasam-asam niya.
Matapat na sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments