Mushroom, pagkaing nagpapalakas ng immune system
- BULGAR
- 35 minutes ago
- 3 min read
ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Apr. 22, 2025
Dear Doc Erwin,
Ako ay 22 years old at isang estudyante, may sakit na diabetes at ayon sa aking doktor ay considered na obese na ako. Sa aking pagbabasa tungkol sa aking health condition ay napag-alaman ko na dahil sa aking kalagayan maaaring mahina na ang aking immune system. Ito marahil ang dahilan kung bakit madalas akong magkaroon ng sakit, ubo at sipon.
Nais ko sanang malaman kung may mga natural na paraan, katulad ng pagkain, upang lumakas ang aking immune system. Makakatulong ba ang pagkain, kung mayroon man, upang lumakas muli ang aking immune system upang labanan ang sakit? May mga pag-aaral na ba na nagpapatunay na mabisa ang pagkain upang ituring ang mga ito na mga “immune boosters”? Sana ay masagot niyo ang aking mga katanungan. — Ronaldo
Maraming salamat Ronaldo sa iyong pagliham at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.
Maraming uri ng sakit na nagmumula dahil sa kahinaan ng ating immune system. Ang ating immune system ay sandata ng ating katawan upang labanan ang mga sakit katulad ng infection at cancer.
Dahil sa ating mga kaalaman sa medical science sa role ng immune system upang labanan ang mga sakit, naka-develop ang mga dalubhasa ng tinatawag na “immunotherapies” upang tulungan ang ating immune system upang hanapin at labanan ang cancer.
Ngunit kung ang ating immune system ay malakas, kayang labanan nito ang mga sakit at hindi na kinakailangan ang mga gamot. Ang immune system natin ang natural na panlaban o gamot natin kontra sa mga sakit.
May mga infection na maaaring makapagpahina ng ating immune system. Ang human immunodeficiency virus (HIV), human papillomavirus (HPV), hepatitis B at hepatitis C infections ay mga halimbawa ng sakit na nagpapahina ng ating immune system. Dahil sa mga infections na nabanggit hindi nagagawang umatake ng ating immune cells upang labanan at ma-eliminate ang mga infected cells.
Bukod sa mga nabanggit na infections, mayroon ding iba pang mga health condition na nagpapahina ng immune system, katulad ng obesity at diabetes. Mga kondisyon na iyong nabanggit.
Ayon kay Dr. William Li, isang kilalang dalubhasa sa mga pagkain na maaaring makatulong sa iba’t ibang uri ng sakit. Maaaring makatulong ang ilang pagkain upang lumakas ang immune system. Sa kanyang librong isinulat na may titulong “Eat to Beat Disease” ay binanggit ni Dr. Li ang mga pagkain na napatunayan sa mga scientific research na nagpapalakas ng immune system o mga tinatawag na “immune system boosters”.
Una sa mga binanggit ni Dr. Li ay ang mushrooms. Ayon kay Dr. Li, ang white button mushrooms ay may bioactives na immune system boosters. Isa rito ay ang beta-glucan, isang dietary fiber na nag-stimulate ng ating immune system. Sa isang pag-aaral ng mga dalubhasa ng University of Western Sydney tungkol sa epekto ng pagkain ng white button mushroom sa immune system, tumaas ng 55 percent at 58 percent ang Immunoglobulin A (IgA) antibody levels ng mga participants na kumain ng white button mushroom sa loob lamang ng isa at dalawang linggo ng pagkain ng mushroom. Nai-publish ang resulta ng pag-aaral na ito sa scientific journal na Nutrition noong taong 2012.
Ayon kay Dr. Li sa iba pang mga pag-aaral, ang ibang uri ng mushrooms katulad ng shiitake, maitake, enoki, chanterelle at oyster mushrooms, napatunayan na ini-stimulate rin nito ang immune system. Makikita ang mga research na ito tungkol sa immune system boosting effects ng mushroom sa journals na International Immunopharmacology (2010 & 2016), Scientific Reports 6 (2016), Annals of Translational Medicine 2 (2014), at International Journal of Molecular Medicine 41 (2018).
Ayon sa Mayo Clinic Health System ang pagsama ng iba’t ibang uri ng mushrooms sa ating kinakain ay makakababa ng 45 percent ng ating risk na magkaroon ng cancer. Batay sa mga dalubhasa sa Mayo Clinic, kinakailangan na kumain ng hindi bababa sa dalawang medium size na mushroom araw-araw.
Samantala, ipagpapatuloy natin sa susunod na linggo ang ating pagtalakay sa mga pagkain na itinuturing na mga immune system boosters.
Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com