top of page
Search
BULGAR

Murang bigas, mabili na sana sa merkado

ni Ryan Sison @Boses | Jan. 18, 2025



Boses by Ryan Sison

Magiging malaking kaginhawaan at pakinabang sa mga mamamayan kung totoong magkakaroon o makabibili na sa merkado ng murang bigas.


Ayon sa Department of Agriculture (DA), ang bigas mula sa National Food Authority (NFA) ay mabibili na sa halagang P36 kada kilo sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila at iba pang malalaking lungsod simula sa February.


Hiniling kasi ng DA sa Metro Manila Council (MMC), na binubuo ng 17 alkalde sa National Capital Region (NCR), na payagan ang mga Kadiwa stores sa mga pampubliko at pribadong pamilihan sa kanilang mga lugar.


Sinabi ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na magsisimula ang kagawaran sa pagbebenta ng NFA rice sa Metro Manila LGUs at iba pang malalaking lungsod sa P36 kada kilo sa February habang ibababa naman ang presyo sa P33 kada kilo sa March.


Sa tanong kung ang mga lokal na pamahalaan ay pinahihintulutan na ibigay nang libre ang NFA rice bilang tulong o kung kinakailangan nilang ibenta talaga ang mga ito, sinagot naman ni Laurel na walang patakaran ang DA hinggil sa usapin. Ipinaliwanag ng kalihim na sa ngayon ay wala silang polisiya na pumipigil dito. At hindi sila gagawa ng polisiya na magdidikta kung anong gagawin nila (LGU) roon. Hindi lang aniya nila puwedeng ibenta ang mga bigas ng mahigit sa halagang P38.


Ipinunto rin ni Laurel na hindi pulitikal ang pamamahagi ng NFA rice, dahil meron silang agarang misyon na mabakante o maalis na ang mga ito sa kanilang mga bodega. Ito ay isang bagay aniya na kailangan nilang gawin bilang DA.


Tiniyak naman ng MMC president na mayor ng San Juan City, na hindi pupulitikahin ng mga alkalde ng NCR ang distribusyon ng NFA rice dahil maayos ang lahat ng namumuno sa naturang mga lungsod. 


Sana nga ay talagang maibenta na ang mga bigas sa murang halaga upang makabawas sa hirap na nararanasan ng mga kababayan.


Kapag mura na kasi ang bigas kahit paano ay kakayanin na ng bawat pamilya na makabili nito, at tiyak na may pagkain na rin silang pagsasalu-saluhan. 


Sa ganitong paraan ay mababawasan din ang mga nagugutom at mga walang makain na mga kababayan dahil mayroon nang bigas na puwede nilang bilhin na kanilang sasaingin. 


Hiling lang natin sa mga mayor na para sa mga nasasakupan, iyong mga tinatawag nating poorest of the poor na mga kababayan, ay ibigay na lamang nang libre ang mga naturang bigas. Tutal may mga pondo naman na maaaring pagkuhanan ng bawat lungsod upang ipambili ng mga NFA rice na ito. 


Isipin na lang na sila ay mas nangangailangan at walang ibang maaasahan kundi kayong namumuno sa kanila. Pairalin sana natin lagi sa ating puso ang pagmamalasakit sa ating kapwa.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page