ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | August 10, 2023
“We understand the plight of motorcycle riders when they have to stop in the middle of the road while waiting for the rain to stop, it’s very risky for them because they might get into a road accident. At least with the emergency lay-by, they can take cover during heavy rains”.
Ito ang buong pagmamalasakit na pahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. noong siya pa ang chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na patuloy pa ring naaalala ng maraming rider.
Hanggang ngayon ay mababasa pa rin ang sinabing ito ni Abalos sa Facebook account ng MMDA kasabay ng napakaraming larawan na nagpapakita ng mga lugar sa ilalim ng mga flyover na sadyang isinaayos upang may matinong sisilungan ang mga nakamotorsiklo.
Ipinaliwanag ni Abalos na labis umano niyang nauunawaan ang kalagayan ng mga motorcycle riders na obligadong huminto sa gitna ng kalsada habang naghihintay sa paghupa ng ulan, dahil masyado umanong delikado na posibleng humantong sa aksidente sa kalye. Sa pamamagitan man lamang ng emergency lay-by ay makasilong ang mga rider sa gitna ng malakas na ulan.
May mga signage pang ipinagawa si Abalos na may nakasulat na ‘EMERGENCY LAY-BY FOR MOTORCYCLES ONLY DURING RAINFALL’ na buong giting pa itong ipinakita sa media ng pamunuan noon ng MMDA na hanggang ngayon ay makikita pa rin sa social media account ng naturang ahensya.
Naglabas din ng malaking signage si Abalos na kinober din ng media na may mga katagang ‘REGULASYON SA MOTORCYCLE LAY-BY’:
ANG LUGAR NA ITO AY PARA LANG SA MGA MOTORSIKLO TUWING UMUULAN.
BAWAL PUMARADA DITO NG MATAGAL.
MAAARI LANG MAGTAGAL DITO NG HINDI HIHIGIT SA 10 MINUTO PAGKATAPOS NG ULAN.
IPARADA NG MAAYOS ANG MOTORSIKLO UPANG MAIWASAN ANG SIKSIKAN AT MAGING LIGTAS SA KAPAHAMAKAN.
PANATILIHING MALINIS ANG LUGAR NA ITO SA LAHAT NG ORAS.
Sa ibaba ng naturang signage ay nakalagay ang katagang ‘MMDA’ na ang ibig sabihin ay mismong sa naturang ahensya nagmula ang kautusan at napakarami ng mga kahalintulad na paalala bilang pagmamalasakit sa kalagayan ng mga motorcycle rider.
Wala kaming planong ipamukha ang mga mabubuting hakbanging ito ng dating pamunuan ng MMDA sa pamamahala ng kasalukuyang pamunuan dahil magkaibang-magkaiba sila ng istilo at kaya napunta si Abalos bilang DILG secretary ay dahil nakitaan ito ng magandang performance.
Pinakikiusapan ko ang marami nating ‘kagulong’ na panay ang padala ng mga reklamo at hinanakit sa telepono sa ating social media account hinggil sa umano’y kakaibang pamamalakad ng kasalukuyang pamamahala ng MMDA -- na kailangang sumunod pa rin sa batas.
Iba-iba ang istilo ng bawat pamamahala at huwag na ninyong hanapin ang dating sistema ni Sec. Abalos na punung-puno ng malasakit sa kapwa at maliwanag na naiintindihan ang kalagayan ng isang motorcycle rider.
Sinubukan na nating makiusap sa pamunuan ng MMDA ngunit sadyang minamadali nilang ipatupad ang paghuli sa mga rider na sisilong dahil nagdudulot umano nang pagsisikip ng trapiko.
Kung ‘yung kautusan ni dating MMDA Chairman Abalos ay hindi man lamang nilingon ng bagong pamunuan ng MMDA, paano pa natin aasahan na pagbibigyan ang pagmamakaawa ng isang ordinaryong nagmomotorsiklo.
Sabi nga ni Sen. JV Ejercito, kung hindi talaga maiiwasan, sana man lang ay gawing P100 o P200 lang ang multa sa mahuhuling sisilong sa flyover dahil ang P1,000 nga naman ay kabuhayan na para sa mga rider.
Baka naman seryoso talaga ang MMDA hinggil sa mga sasakyang nagdudulot nang pagsisikip ng trapiko sa kalye kaya mabuting suportahan na lamang natin baka pati ang mga naggagandahang sasakyan na pag-aari ng mga mayayaman ay ipagbawal na rin nila sa pagpila sa mga gate ng mga sikat na eskwelahan na sanhi talaga ng pagbibigat ng trapiko.
Kasi inaasistihan pa ng mga traffic enforcer ang mga sasakyang naghahatid ng estudyante na hindi lang tuwing tag-ulan nagdudulot ng pagsisikip ng trapiko kung hindi araw-araw pa. Sana all!
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments