top of page
Search
BULGAR

Multa sa lalabag sa motorcycle lane, start next week

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | March 16, 2023



Babala sa ating mga ‘kagulong’, simula sa darating na Lunes, Marso 20, tuluyan nang iisyuhan ng violation ticket ang lahat ng nagmamaneho ng motorsiklo na hindi babaybay sa motorcycle lane sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.


Ganundin ang mga motorista na walang pakialam at sasakupin naman ang linya para sa motorsiklo ay tiyak na hindi patatawarin at tumataginting na P500 ang multa sa napakasimpleng pagkakamali, kaya dapat na sumunod.


Matagal na kasing ipinapatupad ang motorcycle lane sa ilang bahagi ng Metro Manila, ngunit tila ningas-kugon itong sa simula ay maayos, ngunit sa paglipas ng mga araw ay unti-unti na itong nababalewala dahil napapabayaan ang pagpapatupad.


Sa simula ng motorcycle lane, palaging punumpuno ng anunsyo dahil bago pa ang kulay na asul na linya at kitang-kita rin kung gaano kaagresibo ang mga operatiba para sitahin o hulihin ang mga lumalabag dito.


Pero sa ilang ulit na pagtatangka para pag-ibayuhin ang motorcycle lane, palagi itong bigo at ang layunin nito na maisaayos ang mga nagmamaneho ng motorsiklo na ibukod sa mga motorista ay palaging napupunta sa wala.


Ngayon, heto ang pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA), punumpuno ng pag-asa na muling buhayin ang motorcycle lane dahil kinakakitaan nila na posibleng sa pagkakataong ito ay maisakatuparan na ang matagal nang layunin ng naturang linya.


Sana ay suportahan natin ang planong ito ng MMDA dahil naniniwala ako na kahit ilang ulit nang nabigo ang pagpapatupad ng motorcycle lane ay may maganda itong maidudulot kung maisasagawa nang tuluy-tuloy at maayos.


Sa ngayon, medyo ramdam ang paghahandang isinasagawa ng MMDA dahil tuluy-tuloy ang kanilang information dissemination at sa tingin ko ay magiging matagumpay na ito sa bagong pamunuan ng MMDA, na seryosong sinisimulan na ang motorcycle lane.


Ilang araw na ring sinimulan ang isinasagawang dry run nito upang ma-familiarize ang mga motorcycle riders na bumabaybay sa kahabaan ng Commonwealth Avenue hinggil sa nalalapit na pagpapatupad na nito.


Kasalukuyang nakakalat na ang napakaraming traffic enforcer ng MMDA sa naturang lugar at inaasistihan ang mga enforcer ng local government ng Quezon City hanggang sa tuluyan nang maimpormahan ang ating mga ‘kagulong’ na dumadaan sa naturang lugar.


Katunayan, umabot sa halos 276 riders ang nasita ng MMDA sa unang araw ng dry run ng exclusive motorcycle lane sa Commonwealth Avenue at lahat ay pinagsisikapan nilang kausapin upang ipaalam na gumagana na ang motorcycle lane.


Umabot naman sa 61 motorista na kinabibilangan ng SUV at trucks ang nasita sa pagdaan sa exclusive motorcycle lane nang hindi naman liliko at karaniwan ay binabalewala lamang talaga ang linya para sa motorsiklo.


Hindi naman nakakalito sa panig ng ating mga ‘kagulong’ ang nabanggit na motorcycle lane dahil may marka itong kulay asul na guhit sa kalsada na idinisenyo para daanan ng nagmomotorsiklo at wala itong pinagkaiba sa dating motorcycle lane sa kahabaan ng EDSA.


Ito ay nasa ikatlong linya mula sa sidewalk ng Commonwealth Avenue mula Elliptical Road hanggang Doña Carmen at vice-versa na bagama’t naglipana na ang mga traffic enforcer ay itinalaga lamang sila para gumabay sa ating mga ‘kagulong’.


Kumbaga, hanggang Marso 19 ay wala pang papatawan ng multa sa ating mga ‘kagulong’ na makagagawa ng paglabag at sana naman ay huwag sadyain ng ating mga ‘kagulong’ na lumabag porke wala pang multa upang ngayon pa lamang ay masanay na tayo sa paggamit ng motorcycle lane.


Layunin kasi ng motorcycle lane na mabawasan ang grabeng aksidente na kinasasangkutan ng motorsiklo at mapaganda pa ang daloy ng trapiko sa naturang lugar.


Ayon kasi sa datos ng MMDA’s Metro Manila Accident Reporting and Analysis System, nasa 1,686 ang motorcycle-related road crashes sa taong 2022 na lumalabas na nasa limang motorsiklo kada araw ang nasasangkot sa aksidente.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page