top of page
Search
BULGAR

Multa sa bora-bora na motorsiklo

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 21, 2023


Bora-bora ito ang tawag sa motorsiklong sobrang ingay ng tambutso na kapag humaharurot na sa kalye ay nagdudulot na ng pagkainis sa marami nating kababayan kaya ito ay mariing ipinagbabawal ng batas.


May ilan kasi tayong kababayan na nahihilig sa motorsiklo partikular 'yung mga bago pa lamang na gustung-gustong binibihisan ang motorsiklo at maraming pagkakataon na nawawala na ito sa standard.


Karaniwang pinapalitan ng mas malakas ay ang busina na talagang nakakabingi, kasunod na pinapalitan ay ang mga ilaw, lalo na sa mga ‘kagulong’ natin sa mga lalawigan na dumadaan sa national road ay karaniwang gumagamit ng napakalalakas na headlights para labanan ang mga kasalubong na malalaking sasakyan.


Kasunod na pinapalitan ay gulong, upuan at kung anu-ano pa, pero higit sa pinakanauunang pinapalitan ay ang tambutso ng motorsiklo upang mas maganda umano ang tunog ngunit may ilan na ang gusto talaga ay sobrang lakas.


Mula sa 125cc scooters hanggang 1000cc sportsbike ang karaniwang sumasailalim sa modifications at ayon sa pag-aaral, ang aftermarket exhaust systems ay nagbibigay ng saya at excitement sa ilan nating ‘kagulong’ at seryosong perhuwisyo naman sa ilan nating kababayan.


Kapansin-pansin din ang pagdami ng bentahan ng sobrang lalakas na pipes and mufflers na pasimpleng ipinagbibili sa ilang maliliit na talyer sa bahagi ng 10th Avenue sa Caloocan City na dinarayo ng mga ‘kagulong’ natin na naghahanap ng murang piyesa ng motorsiklo.


Talagang hanggang sa kasalukuyan ay malaking debate pa rin ang legalidad ng aftermarket exhaust system sa bansa pero bilang Unang Representante ng 1-Rider Partylist ay hindi naman tayo nagpapabaya na hindi maisaayos para mapabuti ang ating mga ‘kagulong’.


Matagal nang maraming nagbabawal sa paggamit ng malakas na tambutso pero isa ang Siyudad ng Maynila ang binigyan talaga ng malaking anunsiyo noong Oktubre 1, 2021 nang maging isang ganap na noise regulation ordinance na ito sa kanilang lugar at hindi lang motorsiklo ang sakop nito kundi lahat ng sasakyan.


Sabagay halos pare-pareho naman ang multa dahil ang motorsiklo o kahit anong sasakyan na lalabag ay pagmumultahin ng P1,000 para sa 1st offense, P2,000 sa 2nd offense at ang ikatlo at susunod pang mga paglabag ay P5,000 na.


Ang masaklap sa lahat ng tatlong insidente ng paglabag ay kakalasin ng traffic enforcer ang modified muffler/exhaust at hindi na ito ibabalik pa dahil karaniwang sabay-sabay na itong sinisira.


Sa pinakahuling panuntunang ipinatutupad ng Land Transportation Office (LTO), may sound limit na 99 decibels sa motorsiklo at sa kahit kotse.


Dapat malinaw sa ating mga ‘kagulong’ kung ano ba itong decibels — ito ang basehan na sumusukat sa intensity kung gaano kalakas ang lumalabas na tunog at paano ba malalaman kung lagpas na ang ingay sa 99 decibels.


Ang ingay ng 99 decibels ay halos kasing lakas ng tunog ng ginagamit na jackhammer kapag may sinisirang kalsada o kaya ay kasing lakas ng tunog ng lumilipad na jet sa taas na 1,000 feet at ang matagal na exposure sa 99 decibels ay maaaring magresulta sa iba’t ibang perhuwisyo.


May mga device na ginagamit para madetermina kung gaano ba talaga ang lakas ng isang tunog, ito ang decibel meter — modern meter ito na karaniwan ay digital na at hand-held para hindi mahirap gamitin.


Iba-iba kasi ang pananaw ng ating mga kababayan pagdating sa ingay, marami sa ating mga kababayan ang naiingayan sa mga pampasaherong jeep na lumalagabog ang lakas ng tunog ng bass kapag nagpapatugtog ng music kaya hindi sila sumasakay dito.


Pero marami rin tayong kababayan na suki ng mga lumalagabog na pampasaherong jeepney na kung tawagin ay ‘patok’ lalo na ang mga estudyante na tila hinihele pa dahil sa halos hindi na magkarinigan sa loob ng sasakyan dahil sa lakas ng tugtog.


Ganyan din ang marami nating ‘kagulong’ na kaya gusto ng maingay na tambutso dahil mas nararamdaman umano nila ang performance ng motorsiklo na sa iba ay kabaliktaran naman.

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Kommentarer


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page