ni Jasmin Joy Evangelista | December 19, 2021
Wala pang abiso kung kailan muling mapapayagan ang paglalayag ng mga barko bunsod ng pananalasa ng bagyong Odette.
“'Yun pong mga pantalan natin na apektado pa rin ng bagyong Odette ay hindi pa rin nagli-lift ng suspension ng voyage ang Philippine Coast Guard. Habang wala pang byahe kami ay naglilinis po sa ating mga pantalan. Naapektuhan po ng storm surge 'yung ibang pantalan nating tinamaan ng Odette,” pahayag ni Philippine Ports Authority general manager Jay Santiago.
Ayon pa kay Santiago, maging ang kanilang mga kawani na 24/7 ang operasyon ay kinailangan din nilang ilikas dahil sa malakas na ulan at tama ng hangin at alon sa ilang mga pantalan.
“Ngayon po ang ginagawa natin we are trying to restore po 'yung electricity, pati po facilities natin. May superficial damage po tayo sa ating mga facilities. Wala pa po tayong biyahe sa mga apektadong lugar. Hintayin po natin ang abiso ng Philippine Coast Guard kung magsisimula na po silang mag biyahe,” aniya.
Ikinaalarma din ni Santiago ang ilang mga kawani nila sa mga terminal ng PPA na binayo ng bagyo ang hindi pa nila makontak.
“Gusto kong makipanawagan sa mga kasama natin sa PPA sa mga probinsiyang tinamaan ng bagyong Odette. We are trying to contact them, karamihan ng terminal natin may satellite phone 'yan, baka down din po 'yung system siguro. Hangga’t maaari kung pwedeng makipag-coordinate po sila sa pinakamadaling pagkakataon para alam natin na sila ay ligtas at maayos,” sabi niya.
Pero aniya, nag-utos na rin sila mula sa kanilang base ports na puntahan ang mga pantalan at magsagawa ng manual check ng mga personnel upang matiyak na maayos ang lahat.
Comments