ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | September 1, 2020
Pinatunayan ni Fil-Japanese Yuka Saso na hindi tsamba ang kanyang mainit na arangkada sa Japan Ladies Professional Golf Association o JLPGA matapos niyang hablutin ang korona ng 2020 Nitori Ladies Golf Tournament sa Otaru, Hokkaido.
Isinumite ni Saso, may-ari ng pilak na medalya sa Youth Olympic Games (Argentina), ang isang 13-under-par 275 na iskor sa pagsasara ng apat na rounds ng bakbakan sa palaruan ng Otaru Country Club sa Hokkaido tungo sa trono. Dalawang palo ang naging layo niya sa pumangalawang sa Haponesang si Sakura Koiwai.
Ang troika nina Kana Mikashima, Ji Hee Lee at Mayu Hamada ay kumain ng alikabok at kumartada lang ng 285, sampung strokes sa likod nina Saso at Koiwai para sa pagsososyo sa pangatlong puwesto.
Bukod sa pabuyang JPY 36,000,000 na natanggap dahil sa pagiging kampeon, nagpatuloy ang paghahasik ng takot ng 19-anyos na golf phenom sa Asya dahil Ito na ang pangalawang sunod na kampeonato ni Saso sa malupit na golf tour sa Asya sa kabila ng pagiging rookie.
Kamakailan ay hinirang na reyna ang Asian Games double gold medalist sa NEC Karuizawa 72 Golf Tournament. Apat na strokes ang naging agwat niya sa kanyang pinakamalapit na karibal. Ang champion’s purse ni Saso ay JPY 14,400,000.
Sa kanyang unang torneo naman (Earth Mondamine Cup sa Chiba, Japan) umeksena siya bilang panglimang finisher. Dalawang palo lang ang naging agwat sa kanya ng mga nanguna. May naibulsang JPY 8,640,000 ang 19-taong-gulang na tubong Bulacan.
Bago nagsimula ang bakbakang Nitori, pumapangalawa na si Saso sa karera para sa Mercedes Benz Player of the Year. Sa hagarang ito, meron na siyang 276.80 puntos at gantimpalang salapi na JPY 23,040,000. Tanging nasa harap niya ang tumatrangkong si Ayake Watanabe na may 307 puntos at may naiuwi nang JPY 43,720,000 bilang pabuya. At dahil sa panalo, inaasahang ang rookie lady parbuster na ang mangunguna.
Comments