ni Lolet Abania | October 26, 2021
Isasara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Manila Bay dolomite beach simula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 bilang pagsunod alinsunod sa Inter-Agency Task Force on COVID-19 advisory upang maiwasan ang hawahan ng COVID-19.
Bukod sa naunang pahayag ng DENR na tuwing Biyernes ay isasara ang Manila Bay dolomite beach para sa patuloy na maintenance nito, ayon kay DENR Undersecretary Jonas Leones, magpapatupad sila ng crowd control measures sa naturang beach para mapigilan ang posibleng pagkalat ng COVID-19 infection.
Aniya, kabilang dito ang tinatawag na “rotational and cinema approach” kung saan ang mga bibisita sa lugar ay bibigyan lamang ng kaukulang oras para manatili sa nasabing beach.
“Gagawin natin for our purposes we will just be limiting the number of people to 4,000 to 5,000 in the dolomite area at a given time,” sabi ni Leones sa isang interview ng mga reporter.
Ayon pa kay Leones, ang mga bata na below 12-year-old o edad 11 pababa ay ipinagbabawal na pumasok sa dolomite beach.
Binanggit naman ni Leones na habang ang mga awtoridad ay walang problema sa paglimita ng mga tao tuwing weekdays, mayroon namang pagdagsa ng mga bumibisita tuwing weekends.
“Hindi na bumababa sa 18,000 and above,” wika ni Leones.
Sa taya naman ng Manila Police District nasa 65,000 visitors sa kabuuan ang nagtungo sa Manila Bay dolomite beach nitong Linggo.
Comentários