ni Nitz Miralles @Bida | Mar. 15, 2025
Gustong malaman ng mga fans ni Kim Chiu kung sino ang nagtakip sa mukha nito sa tarpaulin ng Julie’s Bakeshop na ine-endorse ng aktres. May nag-post sa socmed ng tarpaulin at kitang-kita na tinakpan ang mukha ni Kim.
Nangyari ito sa branch ng Julie’s Bakeshop sa Indangan, Davao City at makikita rin sa photo na nakatingin ang isang lalaki na nasa motor. Nagtaka siguro ito kung bakit nakatakip ang mukha ni Kim gayung ine-endorse niya ito.
Hindi malinaw sa larawan kung ano ang itinakip sa mukha ni Kim, pero kahit pa tinapay na gawa ng Julie’s Bakeshop, hindi pa rin maganda. Mukha namang hindi ang may-ari ng franchise store ang may gawa ng pagtatakip sa mukha ni Kim, baka netizen na nagalit dahil sa spiel niya sa It’s Showtime (IS) na inakalang patutsada sa inarestong si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagpaliwanag na si Kim na binasa lang niya ang spiel at nag-sorry na rin ang content creator na nag-post ng akala ay patutsada nga ni Kim kay ex-P-Duterte without checking kung tama o hindi ang ipinarating ng kanyang asawa.
Tama ang mga fans ni Kim, the damage has been done at isa na sa mga damages ang ginawang pagtatakip sa mukha ni Kim sa tarpaulin.
Umaasa ang mga fans ni Kim at fans na rin nila ni Paulo Avelino na hindi maaapektuhan ang showing ng movie nilang My Love Will Make You Disappear (MLWMYD) sa March 26 na.
Kahit 20 yrs. ang tanda sa kanya ng BF…
SUNSHINE, TODO-PROUD NA SA PAGDIDISPLEY KAY ATONG
PA-SWEET nang pa-sweet ang relasyon nina Sunshine Cruz at Atong Ang at napansin ng mga netizens na nagpo-post na ang aktres sa kanyang Instagram (IG) ng mga photos nila together.
Dati, kapag nakita silang magkasama, kuha ng mga netizens ang mga larawan nila. This time, sa IG Story na ni Sunshine naka-post ang photo nila ni Atong habang sakay ng helicopter.
Parehong nakangiti at masaya ang dalawa sa photo na parang si Sunshine ang may hawak ng phone. Parang gusto nilang sabihin na masaya sila, kaya sana ay masaya rin ang mga tao para sa kanila.
Hayaan na natin ang 20-year gap nila, hindi naman halata na 67 years old na si Atong, parang hindi nalalayo kay Sunshine na 47 years old naman.
Saka, kung ang pamilya, mga anak at kaibigan ni Sunshine, masaya para sa kanila, sino tayo para kumontra?
Ang comment lang ng iba, sana raw ay baguhin ni Atong ang hairstyle niya, mas maganda kung magpa-hair transplant siya lalo na sa may noo para mas maging swak pa sila ni Sunshine.
Again, kung si Sunshine ay walang gustong baguhin kay Atong, bakit ang mga netizens, nakikialam?
Ang iba naman, nakikitang masaya, blooming at glowing si Sunshine, kaya wala na silang masabi. Ang wish nila, sina Sunshine at Atong na ang endgame at magkaroon ng forever.
May pa-countdown ang WeCamp Entertainment, ang producer ng horror-thriller movie na Postmortem na showing na sa March 19.
Five days na lang at showing na ang pelikula ni Director Tom Nava.
Mapapanood ang full trailer ng movie sa reels na ipinost ni Jai Asuncion.
Napanood na rin namin ito sa ginanap na mediacon at masasabi naming mataas ang fear factor ng Postmortem. Ibig sabihin, matatakot ka talaga at baka sumigaw ka pa sa takot.
Kahit sinabi ni Direk Tom na magiging masaya siya kumita man o hindi ang movie, mas maganda pa rin kung kikita sila ng kanyang kapatid at co-producer.
Pera nila ang P8 to P15 million production cost ng Postmortem, kaya dapat kumita para magawa pa nito ang ibang pelikula na gusto niyang gawin.
May pressure man, pero kailangang suportahan ng mga fans nina Jai at Agassi Ching ang first movie nila. Milyones ang subscribers ng dalawa sa TikTok (TT), baka naman puwedeng manood sila sa first day o hanggang palabas sa mga sinehan ang pelikulang may R-16 rating.
Kasama rin sa cast sina Alex Medina, Mike Lloren, Francis Mata, Sachzna Laparan at Jennica Garcia.
May mga kasama pang ibang vloggers sa movie, binigyan sila ng opportunity ng WeCamp at Square One Studios na mapanood sa pelikula.
Comments