top of page
Search
BULGAR

Mt. Pinatubo, alert level 1, Taal alert level 2 naman

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 18, 2021




Itinaas sa Alert Level 1 ang Bulkang Pinatubo matapos itong makapagtala ng 5 volcanic earthquakes sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong umaga, May 18.


Paliwanag pa ng PHIVOLCS, “Ang Alert Level 1 ay kasalukuyang nakataas sa Pinatubo Volcano. Ito ay nangangahulugang mayroong bahagyang pagligalig na maaaring dulot ng tectonic na kaganapan sa ilalim ng bulkan at hindi naman namamataan ang pagputok nito sa nalalapit na panahon.”


Paalala naman nila, “Ang mga pamayanan at lokal na pamahalaan sa paligid ng Pinatubo ay pinaaalalahanan na laging maging handa laban sa mga panganib ng lindol at pagputok ng bulkan at muling suriin, ihanda at pagtibayin ang kanilang contingency, emergency at iba pang planong paghahanda laban sa sakuna.”


Samantala, nananatili naman sa Alert Level 2 ang Bulkang Taal, kung saan naitala ang 288 volcanic earthquakes at 249 volcanic tremors sa nakalipas na 24 oras.


Sa ngayon ay patuloy na nagbabantay ang PHIVOLCS sa kalagayan ng mga bulkan at kung may pagbabago sa kondisyon nito ay tiniyak nila na kaagad iyong ipararating sa kinauukulan at publiko.

댓글


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page