top of page
Search
BULGAR

MRT3, 100% passenger capacity na bukas — DOTr

ni Lolet Abania | February 28, 2022



Itataas na ang passenger capacity sa MRT3 sa 100% mula sa dating 70% simula bukas, Marso 1, kasabay ng pagsasailalim sa National Capital Region (NCR) sa Alert Level 1 mula naman sa dating Alert Level 2, ayon sa Department of Transportation (DOTr) ngayong Lunes.


Sinabi ng DOTr na ang MRT3 ay may kapasidad na maglulan ng 1,182 pasahero bawat train set o 394 kada wagon. Binubuo ang bawat train set ng tatlong wagon.


“Ang pagtataas ng kapasidad ng mga tren ay bilang tugon ng pamunuan ng MRT-3 at Kagawaran ng Transportasyon sa pagtaas ng demand sa pampublikong transportasyon sa pagbubukas ng mas maraming establisimyento sa Metro Manila,” pahayag ng DOTr sa Facebook.


Gayunman, paalala ng ahensiya sa mga pasahero na mahigpit pa ring ipatutupad ang minimum public health standards, kung saan ang magsalita o makipag-usap, kumain, uminom at sumagot sa mga tawag sa cell phones ay mananatiling ipinagbabawal sa loob ng mga tren.


Ayon pa sa DOTr, ang mga pasahero ay required pa rin na magsuot ng face mask subalit ang pagsusuot ng face shields ay mananatiling boluntaryo.


“Upang matiyak ang kaayusan at implementasyon ng minimum public health standards sa buong linya, patuloy na magtatalaga ng mga train at platform marshals ang pamunuan ng MRT-3 sa mga tren at istasyon nito,” dagdag ng ahensiya.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page