ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 17, 2024
SI SEN. BONG GO DAPAT ANG PINURI NI SPEAKER ROMUALDEZ SA ZERO BILLING SA OSPITAL, HINDI SI PBBM -- Sablay ang ginawang pagpuri ni Speaker Martin Romualdez kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa isyu ng “zero billing” sa mga public hospital kasi sa totoo lang, hindi pa presidente si PBBM ay “zero billing” o free hospitalization na ang mga pampublikong hospital, at iyan ay dahil sa Malasakit Act ni Sen. Bong Go na paglalagay ng Malasakit Center sa mga public hospital upang ang mga mahihirap na pasyente ay wala nang bayarang hospital bill.
Ang nais nating ipunto rito, ang dapat na purihin ni Speaker Romualdez ay si Sen. Bong Go at hindi si PBBM, period!
XXX
MAMA NI CALOY, MABUTING INA KAYA PINAGKALOOBAN NG ‘ULIRANG INA’ AWARD, CHLOE WALA PANG AWARD KASI BAD DYOWA -- Kinilala ng Southeast Asian Achievement Awards ang ina ni 2 gold medalist Carlos Yulo na si Angelica Yulo bilang “Ulirang Ina” dahil sa maayos na pagpapalaki sa apat niyang anak na mga naging atleta, na bagama’t naligaw ng landas ang isa (Carlos Yulo), naging suwail nang maging dyowa si Chloe, ay naging matatag pa rin si Mrs. Yulo sa pagkalinga sa tatlo niyang anak na sina Joriel, Karl at Elaiza.
Patunay ‘yan na mabuting ina si Mrs. Yulo kaya nakatanggap siya ng “Ulirang Ina” award, at dahil wala pang natatanggap na award si Chloe ay pagpapakita naman iyan na “bad dyowa” siya kaya wala siyang award, boom!
XXX
DAHIL NAGTAGO SI HARRY ROQUE, LUMALABAS NA KUWESTIYONABLE KUNG SAAN NAGMULA ANG KAYAMANAN -- Nang kuwestiyunin ng Quad-Committee ng Kamara kung saan nagmula ang lumagong kayamanan ni former presidential spokesman Harry Roque, ibinida nito na mula raw ang kayamanan niya sa napagbentahan ng lupa ng kanilang pamilya, at dahil diyan ay hinihingi ng mga kongresista ang dokumento sa ibinentang lupa, pero sa halip na ibigay, nagtago na ang dating presidential spokesman.
Kung walang inililihim, dapat ibinigay ni Roque ang mga dokumento pero dahil ayaw
niyang gawin at mas piniling magtago, lumalabas ngayon na kuwestiyonable kung saan nagmula ang kayamanan ng ex-presidential spokesman, period!
XXX
KAILAN KAYA IPAPA-TOKHANG NI GEN. LUCAS ANG SANDAMAKMAK NA ‘TONGPATS COLLECTOR’ SA CALABARZON? -- Sandamakmak ang mga "tongpats collector" na nanghihingi ng payola sa mga gambling lords sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), at sila ay sina alyas "Chan Parak," "Digoy," "Lopez,"
"Adlawan," "Rico," "Roy," "Panganiban," "Marcial," "Mike," "Ocampo" at "Balay."
Kailan kaya ipapa-tokhang ni PNP-Region 4-A director, Brig. Gen. Kenneth Lucas ang sandamakmak na mga "tongpats collector" na ito? Abangan!
Comments