ni Thea Janica Teh | December 7, 2020
Umapela ngayong Lunes ang Metro Pacific Tollways Corp. (MPTC) kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian na i-reconsider ang suspensiyon ng implementasyon ng RFID system na naging sanhi ng matinding traffic sa lungsod.
Nitong Biyernes, binigyan ni Gatchalian ang NLEX Corp. ng 24 oras upang makapagpasa ng action plan at 72 oras para maipaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin ang kanilang business permit.
Nag-request ang NLEX Corp. na gawin itong 15 araw ngunit hindi ito tinanggap ni Gatchalian.
Ayon kay MPTC Chief Communication Officer Junji Quimbo, iginagalang umano nila ang karapatan ng pamahalaang lokal at tinitingnan na nila kung paano makakasunod.
Bukod pa rito, humingi na rin ng pasensiya ang NLEX Corp. sa mga residente ng Valenzuela at sinabing bukod sa RFID system, dahilan din ng matinding traffic ang papalapit na Kapaskuhan.
Sa ngayon, inaayos na at pinaplano na ng NLEX Corp at San Miguel Corp na siyang nag-o-operate sa South Luzon Expressway ang implementasyon ng RFID system.
Comments