top of page
Search

MPBL National Finals: Pampanga vs. Quezon sa Best-of-5 sa Dubai

BULGAR

ni Gerard Arce @Sports News | Dec. 1, 2024



Pampanga vs Quezon - MPBL promo photo


Mga laro ngayong gabi (Disyembre 1) (Al Nasr Club’s Rashid Bin Hamdan Indoor Hall, Dubai UAE) Game 1: Best-of-five National Finals

11:00 n.g. – Pampanga vs Quezon Oras sa Pilipinas


Muling magniningning ang kahusayan ni reigning MVP Justine Baltazar para pamunuan ang atake para sa defending champions na Pampanga Giant Lanterns laban sa karibal sa South Division na Quezon Huskers upang makuha ang inaasam na kauna-unahang back-to-back title sa Game 1 ng best-of-five championship series ng 6th season ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) sa prestihiyosong Al Nasr Club’s Rashid Bin Hamdan Indoor Hall sa Dubai, United Arab Emirates.


Gagamitin ni Baltazar ang nakuhang double-double para ibalik muli sa championship round ang Pampanga matapos higitan ang No.1 ranked na San Juan Knights sa 81-73 noong Nobyembre 11 sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga, habang nakatakdang sandalan ng Quezon si ace guard LJay Gonzales na nagawang mahigitan ang Batangas City Tanduay Rum Masters sa 65-60 noong Nob. 14.


Sa naturang mga laro ay maghaharap sa unang pagkakataon ang Pampanga at Quezon sa National Finals ng 11:00 ng gabi (oras sa Pilipinas) bilang handog sa mga basketball fans na Overseas Filipino Workers (OFWs).


Ang kaganapang ito ay inaasahang magiging isang makabuluhang milestone na magpapatibay sa pangako ng liga na ipagdiwang ang talento at pagkahilig ng mga Filipino para sa sport sa ibang bansa.


Nagpakita ng lakas ang 27-anyos na forward na si Baltazar na hinirang na first overall draft pick ng 2024 PBA Draft para sa koponan ng Converge FiberXrs, para muling dalhin sa championship round ang Pampanga.


Umiskor ito sa huling laro ng 24 puntos, 18 rebounds, 4 assists, habang sumegunda si Archie Concepcion sa 19 puntos, gayundin sina Encho Serrano sa 11 puntos at Brandon Ramirez sa 7 puntos.


“Nakapag-prepare kami sa Quezon na champion sa South kung anong game plan na ipapakita namin, number one pa rin yung depensa, pinag-eensayuhan namin buong week, depensa talaga 'yung pagtutuunan namin,” wika ni Baltazar patungkol sa naging paghahanda nila kontra Quezon.


Bumida para sa Huskers ang 5-foot-10 guard mula FEU Tamaraws na si Gonzales sa 22 puntos at 8 rebounds kontra Batangas City, na makakatulong ng mahigpit sina Judel Ric Fuentes, Jason Opiso, Ximone Sandagon, RJ Minerva, Rodel Gravera, Al Francis Tamsi at Gab Banal.


 

MARTIN KUKUNIN ANG 2ND WIN NGAYON LABAN SA MEXICAN BOXER


Planong mas lumapit pa sa World rankings at sa inaasam na title fight ni Filipino rising star at undefeated boxer Carl Jammes “Wonder Boy” Martin sa kanyang pagbabalik laban sa ikalawang salang sa bansang Mexico kontra hometown bet Ruben Tostado Garcia sa isang non-title super bantamweight bout sa “Noche De Box 46” ngayong Linggo ng umaga (oras sa Pilipinas) sa Grand Hotel, Tijuana, Mexico.


Kasalukuyang nakasampa bilang No.2 sa World rankings sa 122-pound division ng World Boxing Organization (WBO) Global titlist ang kasalukuyang hawak na No.2 ranked sa WBO at No.7 sa International Boxing Federation (IBF) title belt na tangan lahat ni undisputed 122-pound champion at undefeated Naoya “Monster” Inoue.


Aasamin ni Martin na patibayin pa ang matatag na puwesto sa kanyang dibisyon upang makalapit sa pagkakataong makasuntok sa World title fight sa hinaharap. “We look forward to a junior featherweight title fight in 2025. He will be ready by that time because we expect him to show it in Mexico,” wika ni international matchmaker at MP Promotions President Sean Gibbons.


Nais sundan ng 25-anyos mula Lagawe, Ifugao ang nakuhang second-round knockout victory sa naunang Mehikanong biktima na si Anthony Jimenez “Boy” Salas nitong nagdaang Setyembre 6 sa Culiacan, Sinaloa, Mexico upang pahabain ang winning streak sa 24 panalo kasama ang 19 panalo mula sa knockouts.


Susubukang manatiling matatag ang kartada ng 5-foot-6 boxer na kasalukuyang pukpok sa ensayo sa Knucklehead Boxing Gym sa Las Vegas, Nevada, na bago lumipad patungong Amerika ngayong taon ay nagawa munang tapusin sa sixth-round si Chaiwat “Kongfah Nakornluang” Buatkrathok ng Thailand nung Disyembre 18, 2023 sa The Flash Grand Ballroom ng Elorde Sports Complex sa Paranaque City.


Naunang nakuha nito ang 10-round unanimous decision na panalo kay Oscar Duge sa parehong venue noong Agosto 19, matapos ang mahigit walong buwang pananahimik sa laban dahil sa inindang right rib injury.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page