ni Melba R. Llanera - @Insider | February 3, 2021
Pormal na nagsampa ng reklamo ang producer ng Anak Ng Macho Dancer na si Joed Serrano sa Optical Media Board para sa mga nagpirata ng kanyang pelikula.
Kasama ang cast ng pelikula na sina Ricky Gumera, Miko Pasamonte, Mhack Morales, Neil Suarez at Charles Nathan, desidido ang buong grupo na mahuli at kasuhan ang mga nagpirata ng pelikula.
May ilan na ibinebenta ang pelikula sa halagang P180, P150 at P100 para sa link at may ilan na ring nakuha na cd copies si Chairman Christian Natividad at ibinigay ito kay Joed.
May isang nagbebenta ng link ang nakausap ni Miko kung saan nu'ng nag-video call siya rito ay sumagot. Sinabihan ni Miko ang naturang pirata na irereklamo ito sa OMB at nagmakaawa, nag-iiyak at nagbantang magpapakamatay.
Ayon kay Joed, ang ikinasama ng loob niya ay pinapatay ng pirata ang pelikulang Pilipino, bukod sa tinatanggalan ng kita ang producer na maaaring maging rason para 'di na ito mag-produce pa ng pelikula.
Siniguro naman ni OMB Chairman Christian Natividad na huhulihin at pananagutin ang mga nagpirata lalo't naiintindihan niya ang hinaing ng mga producers.
Pinasalamatan din ng OMB chair ang pamunuan ng Facebook Philippines dahil nangako ito na ida-down ang mga accounts ng mga nagpipirata bilang suporta sa aksiyon ng OMB, PNP at NBI.
Nakakalungkot lang na para sa iba ay wala silang pakialam sa pamimirata dahil ang motibo lang nila ay kumita ng pera at ang ipinapakain nila sa kanilang pamilya ay galing sa nakaw.
Samantala, para naman sa mga nabitin at gustong mapanood ang Anak Ng Macho Dancer, muli itong mapapanood via ktx mula February 5-7, 9-12 midnight sa halagang P169.
Komentar