top of page
Search

Movie nila, ipapalabas daw sa harap ni Pope Francis… MCCOY, TOTOONG DINURAAN SA MUKHA NI MON, MAY PLEMA PA

BULGAR

ni Rohn Romulo @Run Wild | Feb. 8, 2025



Photo: Si McCoy De Leon bilang si Fr. Rhoel Gallardo - Instagram


Nakakaloka ang mga rebelasyon ni McCoy de Leon na gumaganap na martyr priest na si Fr. Rhoel D. Gallardo sa pelikulang In Thy Name (ITN).


Maraming matitinding eksena na pinagdaanan ni McCoy sa pelikula at ang pinakamahirap raw ang ihian niya ang kanyang sarili at duraan siya ng plema ni Mon Confiado na gumanap sa role na si Abu Sabaya.


Nabanggit ni Direk Cesar Soriano sa mediacon na ginanap sa Claret School, ang torture scene na dapat iihian si McCoy ng mga Abu Sayyaf. Para hindi siya maihian ng iba, kaya siya na lang ang umihi sa sarili. 


Pero ang mas matindi niyang pinagdaanan sa shooting ay ‘yung duraan ni Mon ng sarili nitong plema.


“‘Yun talaga ang tumatak sa ‘kin, ang eksena namin ni Kuya Mon na dinuruan n’ya ako,” pag-amin niya.


“Pagkadura sa ‘kin, ang nasa isip ko, grabe ‘yung trabaho ko. After ng scene na ‘yun, actually, hindi ako pinaiiyak ni Direk Rommel (Ruiz), pero dumapa na lang ako at naiyak talaga ako nang totoo, at ang iyak ko as McCoy ‘yun, hindi iyak ni Fr. Rhoel, dahil hindi ko naman alam kung paano s’ya umiyak. 


“Pero ang iyak na ‘yun, parang totoo na ako na ‘yun, na sabi ko, bakit ko ginagawa ito at aabot sa duduraan ako sa mukha? Pero ang sarap sa feeling na na-sacrifice ko ang ganu’ng bagay, pero ang resulta, nagampanan ko nang maayos ang trabaho ko,” seryosong kuwento ni McCoy, na tiyak na hahangaan sa mahusay na pagganap.


Sabi naman ni Mon, may ubo raw talaga siya at may plema bago kunan ang eksena nila ni McCoy.


Kuwento niya, “Hindi talaga s’ya dura, plemang totoo talaga. Talagang inipon ko ‘yun nu’ng araw na ‘yun at ibinuga ko sa mukha n’ya. Kasi kung dura lang, hindi makikita, manipis ‘yun. One long take ‘yun, take one at dalawang dura ‘yun, dahil may closer shot pa.


“Doon ko nakita ang professionalism ni McCoy, at ‘yung mga sampal ko sa kanya, totoo ‘yun, walang daya talaga. Tumatama talaga ‘yun, kaya definitely, masakit ‘yun.”

Sa napanood naming trailer, maganda ang pelikula at ramdam talaga ang mga pinagdaanan ni McCoy, na hopefully marami ang makapanood sa March 5, na itinapat sa Ash Wednesday.


Nakatakda rin itong ipalabas sa mga simbahan, paaralan at iba’t ibang platform sa buong bansa.


May pasabog pang balita si Direk Cesar dahil ipapalabas din ang advocacy film na collab ng Viva Films at GreatCzar Media Production sa Vatican sa harap mismo ni Pope Francis. 


 

Sa media launch ng Mananambal (The Healer) last Thursday, February 6, natanong si Bianca Umali kung nagkaproblema ba sila sa billing niya sa poster ng movie. 


Balita kasing pinalalakihan ang name niya or ipantay daw kay Superstar Nora Aunor at base nga sa naturang poster na inilabas ng Viva Films ay nilakihan na nang bahagya ang kanyang pangalan at nasa ilalim ng National Artist for Film and Broadcast Arts at Superstar.


“I am shocked with that question po. But I want to handle it as professionally as possible,” paunang sagot ni Bianca.


Pahayag niya, “Hindi ko po alam kung ano ang mararamdaman ko, because I don’t have any idea about that.


“I want to clarify that the opportunity to work with the Superstar, with our National Artist, is already a blessing. And this opportunity, hindi ko talaga palalagpasin.”


Dagdag niya, hindi problema sa kanya ang billing dahil ang makasama lang si Nora ay sapat na.


Nagkuwento rin si Bianca tungkol sa mga memorable moments niya nang makasama ang nag-iisang Superstar.


Una na rito nang first time nilang mag-meeting para sa movie kasama ang buong cast. Hindi raw sila sigurado kung pupunta si Ate Guy, pero dumating siya sa venue.


Aniya, parang nag-slow mo (slow motion) ang mundo niya pagpasok pa lang ni Ate Guy at gustung-gusto niya itong yakapin. Uminit din ang mukha niya nang magkatabi sila sa sofa.


“Sabi ko, ‘Ate Guy, puwede po ba magpa-picture dahil ipapakita ko sa lola ko kasi tuwang-tuwa po siya nang malamang may pelikula po tayo.’”


Isa pang hindi malilimutan ni Bianca ay “‘Yung final scene namin. I was very nervous doing that scene, kaming dalawa lang magkasama sa set, together with Direk Adolf (Alix). Nasa gitna kami ng bundok, may falls,” na kung ilarawan ni Bianca ay “magical” daw talaga.


Samantala, ang Mananambal ay naging isa sa official entries sa Jinseo Arigato International Film Festival sa Nagoya, Japan na ginanap noong Mayo 25 at 26, 2024.


Sa naturang filmfest, nakamit ni Bianca ang isa pang milestone sa kanyang showbiz career, dahil siya ang tinanghal na Best Dramatic Actress, kung saan personal niya itong tinanggap.


Tampok din sa Mananambal sina Kelvin Miranda, EA Guzman, Jeric Gonzales, at Martin Escudero. Mula ito sa direksiyon ni Adolfo Alix, Jr.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page