Ang pagpapatupad ng batas ay susi sa kaligtasan ng lahat ng mga gumagamit ng kalsada
ni Fely Ng - @Bulgarific | September 07, 2021
Hello, Bulgarians! Kung magmaneho ka sa mga highway sa mga nakaraang linggo, marahil ay napansin mo ang mga two-wheeler na sumasabay sa iyo. Nagtaka ka ba kung bakit ang mga motorsiklo na ito ay halos nagsulputan sa iba't ibang lugar? Napaisip ka na ba kung bakit pinapayagan ang mga ito sa mga expressway?
Kapansin-pansing mula pa noong kalagitnaan ng dekada 2000 ay mas tumaas ang bilang ng mga nagmamay-ari ng motorisklo. Naiulat na mula 2001 hanggang 2019, tumaas ito mula sa 720,000 hanggang sa 1.7M. Gayundin, ang bilang ng mga aksidente na nauugnay sa motorsiklo.
Sa isa pang ulat ng Metro Manila Development Authority (MMDA) Metro Manila Accident Reporting and Analysis System (MMARAS), average ng 86 na aksidente ang nauugnay sa motorsiklo bawat araw sa mga kalye ng Metro Manila noong 2019. Bukod dito, kabuuang 31,279 na aksidente ang naiulat - 17 porsyento na pagtaas mula sa istatistika ng 2018. Sa 31,279 na aksidente, 221 ang naiulat na nasawi.
Sa mga nasawi, ang pinakakaraniwang napapahamak dahil sa mga pinsala na natamo ay ang driver ng motorsiklo, na may 154 mula sa 221 na kabuuang namatay. Habang marami sa mga aksidenteng ito ang nangyari sa mga arterial roads, parami nang parami ang mga motorsiklo na dumadaan sa mga major expressways.
Sa isang ulat na ginawa ng TopGear.com noong nakaraang 2018, ang Toll Regulatory Board (TRB) ay nagbigay-babala sa mga motorsiklong may engine displacement na mas mababa sa 400cc na pumapasok o gumagamit ng mga expressway. Hinimok nito ang mga operator ng lahat ng pangunahing tollway na ipatupad ang mahigpit na pagbabawal sa mga nasabing motorsiklo.
Bukod dito, hinihimok ang mga awtoridad sa tollway na huwag masyadong umasa sa visual inspeksyon o sa laki lamang ng sasakyan. Sa halip, dapat tingnan ng mga awtoridad ang eksaktong engine specification para sa mas mahusay na pagpapatupad ng batas.
Samantala, hinimok ang mga highway patrolmen na siyasatin ang mga dokumento ng mga motorsiklo na hinala nila ay sub-400cc, at pinayuhan ang mga opisyal ng LTO laban sa maling pagdeklara ng makina sa mga papeles ng rehistro ng mga motorsiklo.
Mahalaga rin para sa mga alagad ng batas na huwag umasa lamang sa mga dokumento dahil may mga bikes na mukhang malalaki, ngunit may mga engine displacements na mas mababa sa 400cc. Samakatwid, ang pag-alam kung paano at saan susuriin ang makina ang pinakamahusay na paraan upang malaman kung ang sasakyan ay sumusunod sa batas o hindi.
Ayon sa Department Order 123 ng Department of Public Works and Highway, ang mga motorsiklo lamang na may 400cc ang pinapayagan na mag-operate sa loob ng mga toll at limitadong access sa mga highway. Ang kautusan ay ipinahayag upang matiyak ang kaligtasan ng mga commuter na dumaraan sa lahat ng pangunahing mga expressway sa bansa at hinihimok ang publiko na maging mapagbantay laban sa mga lumalabag sa nasabing pagbabawal.
Panghuli, bilang responsableng may-ari ng motorsiklo, obligasyon mong malaman kung ang sasakyan na mayroon ka ay dapat sa mga expressway. Kung may pag-aalinlangan ka sa engine displacement ng iyong motorsiklo, at hindi mo alam kung saan hahanapin, huwag mag-atubiling humingi ng tulong sa mga tamang awtoridad.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.
Comments