top of page
Search
BULGAR

Motorcycle taxi malaking tulong sa panahon ng transport strike

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | March 7, 2023



Hanggang ngayon ay nakatengga pa rin ang batas para maging legal ang motorcycle taxi sa bansa, hindi dahil sa maraming usaping legal ang hindi mapagkasunduan kundi sa tingin ng iba ay may higanteng nasa likuran ng mga pangyayari.


Ilang ulit na kasing dinidinig sa Kongreso para maging legal ang motorcycle taxi at umabot na rin ito sa Senado, ngunit walang kinakahinatnan dahil ayon pa rin sa tingin ng iba, may mas malaking higanteng kumikilos para maantala ang lahat.


Dapat talagang paspasan na para maging legal ang motorcycle taxi sa bansa dahil kailangang-kailangan na ito tulad na lamang ngayong nasa kasagsagan tayo ng krisis dahil sa usaping Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).


Kung hindi man nagkakaisa ngayon ang iba’t ibang samahan ng mga tradisyunal na jeepney para magsagawa ng protesta, tiyak na nagkakaisa ang mga ‘yan sa kanilang ipinaglalaban na i-abolish na ang PUVMP.


Kaya inaasahang kani-kanya nang pagpapakita ng puwersa ang iba’t ibang transport group sa mga darating na pagkakataon at ang talo sa sitwasyong ito ay ang ating mga kababayang walang sariling sasakyan at umaasa lamang sa pampasaherong jeepney.


Tulad ngayong nasa kasagsagan tayo ng tigil-pasada, bukod sa mga libreng mula sa iba’t ibang ahensya ay higit na pinakikinabangan ng ating mga naapektuhang manggagawa ang mga motorcycle taxi.


Malaki ang naging papel ng motorcycle taxi para hindi mahirapan ang ating mga kababayang nag-oopisina at sa ganitong paraan ay hindi basta-basta maaapektuhan ang ating ekonomiya habang tuloy ang girian ng pamahalaan at transport group.


Ang labis ko lang na inaalala ay baka masangkot sa aksidente ang ating mga kababayan na sumasakay sa motorcycle taxi na sa kasalukuyan ay naglipana, dahil talagang ginagamit ng ating mga kababayan ngunit mas marami ang kolorum.


Kahit saang sulok ay may makikitang kolorum na motorcycle taxi—ito ang popular na habal-habal na bukod sa hindi na nagbabayad ng tax ay wala pang insurance sakaling maaksidente habang sakay ang kanilang pasahero dahil hanggang ngayon ay wala pang ipinatutupad na batas para maging legal ang mga ito.


Sa totoo lang, ilan lang itong namamayagpag na kumpanya na nagpapatakbo ng motorcycle taxi at sila rin ang nakikitang nasa likuran kung bakit naaantala na maging legal na ang operasyon ng motorcycle taxi sa bansa.


Nais kasi ng mga kumpanyang kasalukyang namamayagpag na masolo ang merkado, samantalang mas marami ang ating mga ‘kagulong’ na nais maghanapbuhay nang legal gamit ang kanilang motorsiklo.


Ngayon, mismong ang Kongreso ay nakatatanggap ng reklamo hinggil sa pang-aabuso ng ilang driver ng motorcycle taxi na diumano’y tumatanggi sa pasahero kapag rush hour at mayroon ding sobra kung maningil na hindi naman mabigyan ng aksyon dahil hindi alam kung sino ang hahabulin dahil kolorum.


Ngayon, heto si Sen. Joseph ‘JV’ Ejercito at itinutulak sa Senado na maging legal na ang motorcycle taxi bilang public utility vehicles (PUVs) dahil sa kasalukuyan ay pinapayagan lang silang mag-operate sa pamamagitan ng provisional authority na inisyu sa kanila ng Department of Transportation (DOTr).


Naghain ng Senate Bill Number 167 o Public Utility Motorcycles Act si Sen. JV na layong amyendahan ang 58 taong Republic Act No. 4136, o Land Transportation and Traffic Code, para payagan ang mga motorsiklo na maging PUVs na legal na makapaghahatid ng mga pasahero na may bayad.


Ibig sabihin nito, kitang-kita na ang kahalagahan ng motorsiklo sa pag-usad ng bansa at ang mahalagang papel na ginagampanan ng ating mga ‘kagulong’, lalo na sa panahon ng krisis tulad ng tigil-pasada.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page