top of page
Search
BULGAR

Motorcycle taxi, epektib na pamalit sa tigil-biyaheng PNR

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Marso 16, 2024


Sa darating na Marso 28 ay pansamantalang matitigil ang operasyon ng mga tren ng Philippine National Railways (PNR) upang bigyang-daan ang pagpapagawa ng North-South Commuter Railway (NSCR) project.


Ito ang anunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na inaasahang malaking epekto sa panig ng mga pasahero na sanay sumakay ng tren araw-araw patungo sa kani-kanilang mga trabaho at eskwela.


Paliwanag ng PNR, kailangan umanong suspendihin ang operasyon ang biyahe ng mga tren upang mapabilis ng walong buwan ang NSCR Project at makatipid ng P15.18 bilyon mula sa naturang proyekto.


Higit sa lahat ay binigyang prayoridad umano ng DOTr ang kaligtasan ng mga pasahero habang ginagawa ang NSCR. 


Tiniyak naman ng DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mayroon nang mga alternatibong ruta ng bus para sa mga pasaherong apektado sa tigil-biyahe ng PNR.


Ang mga bus na biyaheng Tutuban patungong Alabang at pabalik ay inaasahang magsasakay at magbababa ng pasahero malapit sa kasalukuyang ruta ng PNR.


Inaasahan ng PNR na higit 30,000 pasahero kada araw ang apektado ng pansamantalang pagsasara ng mga biyahe nito sa Metro Manila.


Nangako naman ang DOTr na sakaling matapos ang NSCR project ay mas marami pang pasahero ang makikinabang dito.


Tinawag ng pamahalaan ang NSCR project na magiging “state-of-the-art 147 kilometer rail line” at inaasahan umano na mababawasan ng dalawang oras ang haba ng biyahe mula sa Clark, Pampanga hanggang sa Calamba, Laguna.


Dagdag pa ng DOTr na nasa 800,000 pasahero, kada araw ang inaasahan nilang makakasakay ng tren kapag natapos ang proyekto at mababawasan din ang trapik sa Metro Manila.


Sa mga pagkakataong ito ay tiyak na bidang-bida na naman ang ating mga ‘kagulong’ tulad ng mga motorcycle taxi na palaging maaasahan sa mga ganitong sitwasyon.


Hindi maitatanggi na napakarami na nating kababayan ang suki ng mga motorcycle taxi at tulad noong kasagsagan ng pandemya ay napakalaki ng naging tulong ng ating mga ‘kagulong’.


Palagi kasi nating minimenos ang mga motorsiklo sa kalsada, ngunit sana ay ma-appreciate naman natin sa pagkakataong ito ang napakalaking serbisyo ng motorsiklo sa publiko.


Ilang tigil-pasada na ba ang nabigong pahirapan ang mga pasahero dahil sa pagsaklolo ng motorsiklo.


Kaya kahit limang taon tayong maaapektuhan ng tigil-operasyon ng PNR ay huwag tayong mag-alala dahil laging nakaalalay sa atin ang mga motorsiklo sa bansa na handang magbigay ng serbisyo sa mga ganitong uri ng pangangailangan.


Hindi biro ang halos isang milyong pasahero na matetengga kung wala ang mga motorcycle taxi.


Sana ay makita na ng marami nating kababayan ang mabuting dulot ng pagdami ng motorsiklo sa bansa dahil hindi lang naman sa atin dumagsa ang motorsiklo kundi maging sa iba’t ibang bansa.


Sa bilis ng takbo ng negosyo at mga bagay-bagay dahil sa teknolohiya ay mahihirapan tayong sumabay sa pagkilos kung wala ang motorsiklo.


Kaya sa mga nagmamaneho ng four-wheeled vehicle o higit pa ay huwag naman nating gipitin ang mga nakamotorsiklo dahil pare-pareho lang tayong may karapatang gumamit ng kalsada — kaya magbigayan sana tayo.


Ang mga delivery na may lulang mainit na pagkain ay kailangang maihatid kaagad sa umorder bago lumamig at tanging motorsiklo lamang ang puwedeng gumawa n’yan ng walang problema.  


Nag-evolve na ang mundo, marami na tayong nakasanayan sa makabagong panahon at kaakibat natin dito ang serbisyo ng motorsiklo kaya huwag tayong mainit sa kanila, lalo na sa ilang ahensya na hindi pantay ang pagtrato sa mga four-wheeled vehicle at motorsiklo pagdating sa check point.


Kapag may krimen ay palaging motorsiklo agad ang inuunang pinapara para inspeksyunin kung may dalang armas, samantalang halos walang mapaglagyan ang motorsiklo. Pero ang mga kotse o van na kahit mahahabang armas na kasya ay hindi naman prayoridad sa pagtugis.


Mahalin natin ang mga nakamotorsiklo sa kalsada dahil tulad ng palagi kung sinasabi ay kaakibat natin sila sa pagsulong ng ekonomiya.


Maayos na pagtrato lang naman ang hiling ng ating mga ‘kagulong’.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Σχόλια


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page