top of page
Search
BULGAR

‘Motorcycle’ mode sa paggamit ng Navigation App, gamitin para iwas-ligaw

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Pebrero 23, 2023



Maraming pagkakataon na ang ating mga ‘kagulong’ ay literal na naliligaw o napapadpad sa mga kalyeng hindi pinapayagan ang motorsiklo dahil sa ordinaryong Waze lamang nakadepende, na karaniwang ginagamit ng four wheeled vehicles.


Tulad nitong inilabas na pahayag ng Metro Pacific Tollways South (MPT South), isang subsidiary ng Metro Pacific Tollway Corporation (MPTC) na muling ipinapaalala na sumunod sa Limited Access Facility Act o Republic Act 2000 ang mga nakamotorsiklo.


Nilalaman kasi ng naturang batas ang pagbabawal sa mga motorsiklong may mas mababa sa 400cc engine displacement na makapasok sa mga expressway, kabilang ang Manila-Cavite Expressway (CAVITEX), ang CAVITEX C5 Link Segment nito at Cavite-Laguna Expressway (CALAX).


Ang paglalabas ng paalala ng MPT South ay dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng ating mga ‘kagulong’ na lumalabag sa R.A. 2000, partikular sa mga under capacity motorcycle na pumapasok sa CAVITEX sa unang buwan ng taon.


Mula Enero 1 hanggang Enero 31, 2023, tumaas sa 273 ang bilang ng mga motoristang nasita ng security enforcer sa CAVITEX entry points na higit na mataas ito ng 295% kumpara sa 69 motoristang naitala sa parehas na petsa ng nakalipas na taon.


Hindi masiguro ng pamunuan ng MPT South kung sadyang hindi alam ng mga nakamotorsiklo ang pagbabawal dahil kapansin-pansin naman umano ang ‘Prohibited on Expressway’ signage na naka-install sa mga entry point at malinaw na nakasaad ang mga bawal.


Ang nakakalaarma umano ay tila napapansin na ng pamunuan ng MPT South na umaabot na sa 83% sa ating mga ‘kagulong’ na lulan ng motorsiklong mas mababa sa 400cc ang nagsasabing, “Pasensya na” dahil ‘naligaw’ lamang sila.


At lahat ng ating mga ‘kagulong’ na nagsabing naligaw lamang sila ay sinusundan ang landas na idinidikta ng Waze Inc.—at ang katwirang ito na totoo man o hindi ay hindi basehan para patawarin ang isang lumabag sa batas-trapiko dahil sa paggamit ng Waze.


Dumagsa kasi ang mga gumagamit ng motorsiklo noong taong 2020 dahil sa kasagsagan ng pandemya at marami sa ating mga pampasaherong sasakyan ang hindi na lumabas ng kalye sa takot na mahawa sa COVID-19 dahil sa kakulangan ng bakuna noon.


Kasabay nito, ang pagluluwag din sa mga kalsada at hindi gaanong paghihigpit sa ride-sharing para kahit paano ay matulungan ang mga manggagawang walang sasakyan kaya namimigay pa ng libreng helmet ang pamahalaan para sa kaligtasan ng mga sumasakay ng motorsiklo.


Ngunit ngayong bumalik na ang lahat sa normal ay naglabas na ng babala para sa ating motorcycle community na ang CAVITEX at CALAX ay idineklara ng Department of Transportation (DOTr) sa pamamagitan ng kanilang Department Order 2007-15 Designation and Declaration of all Expressways as Limited Access Facilities at ang pinapayagan ay ang motorsiklo na 400cc pataas lamang.


Ayon pa sa pamunuan ng MPT South, ang expressway umano ay isang high-speed road facilities na ang tanging layunin ay maging ligtas ang lahat ng motoristang dadaan dito, kaya hinihikayat nilang sumunod ang lahat sa mga signs at speed limit.


Dahil dito, inabisuhan nila ang ating mga ‘kagulong’ na nagmamaneho ng motorsiklo na mas mababa sa 400cc na gumamit ng ‘two-wheeler’ o ‘motorcycle’ mode kung gagamit ng mga GPS navigation app sa kanilang biyahe.


Sa ganitong paraan, mapipigilan nito ang pagtuturo sa mga daan na hahantong sa mga expressway o ibang kalsadang bawal ang motorsiklo patungo sa kani-kanilang destinasyon.


Dapat na maunawaan ng ating mga ‘kagulong’ na hanggang ngayon ay marami pa rin ang hindi kumbinsido na delikado para sa mga motorsiklo na mas mababa sa 400cc ang dumaan sa expressway, pero dahil sa may umiiral na batas ay dapat muna tayong sumunod.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page