top of page
Search
BULGAR

Moringa, alternatibong hanapbuhay para sa magsasaka; sagot pa sa malnutrisyon ng mga bata!

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | November 16, 2020



Sa gitna ng krisis sa bigas, kailangang maging maparaan para matulungan ang ating mga magsasaka.


Kaawa-awa sila dahil hanggang ngayon, bagsak pa rin ang halaga ng palay na umaabot na lang sa P7-P12 kada kilo. Pinalala pa ng sunud-sunod na bagyong nanalasa sa mga palayan. Dumapa ang mga tanim at halos wala nang mapakinabangan.


Ang alternatibong nakikita ko para matulungan ang ating mga magsasaka ay ang organic farming at pagtatanim ng moringa o malunggay.


Alam n’yo bang may investor sa Japan na kumukuha ng mga pinatuyong dahon ng malunggay?


Pero, since marami pang kailangang requirements, hindi pa agad-agad makapag-export ng malunggay ang ating mga magsasaka.


Nakausap na natin ang DSWD at handa silang bilhin ang mga dahon ng malunggay sa mga magsasaka para patuyuin at gawing powder na siyang sangkap sa mingo meals o instant blended meals para sa mga bata.


Bukod pa riyan, kalauna’y gagawin ring sangkap ang moringa sa bagong bersiyon ng nutribun. Kung natatandaan ng mga oldies d’yan, ginamit itong food supplement noong kapanahunan ng aking ama para maprotektahan ang mga bata kontra malnutrisyon.


Kinausap na natin ang DOST at binanggit nilang kumpleto na sa protina ang moringa. Daig pa nito ang gatas at ilang pagkain na mayaman sa nutrients.


Pasalamat din tayo sa DOST kasi handa raw silang magbigay ng equipment. At, in fairness, ang DTI tutulong naman sa packaging.


Kaugnay niyan, ang IMEEKabuhayan Cebu Chapter ay mamamahagi ng 35,000 na binhi o seeds ng pananim na malunggay sa bayan ng Consolacion, Cebu.


Ang malunggay seeds ay donasyon ng Association of Sto. Nino Homeowners, San Lorenzo Homeowners at Little Tokyo Homeowners sa ilalim ng SUMAKA Federation.

Sinundan din natin ito ng pamamahagi ng malunggay cuttings sa Marikina City at Caloocan City.


Kaya naman, mga nanay, pati na ang mga kabaro nating beki na gustong magkaroon ng pagkakakitaan ngayong panahon ng pandemya at kalamidad — kung medyo hirap sa pagsasaka ng lupa ang ating padre de-pamilya, puwede tayong tumulong sa pagpa-powderize ng mga malunggay at maging sa packaging.


Gora na tayo sa moringa! Sagot na sa malnutrisyon, makatutulong pa sa magsasaka. At may pagkakakitaan pa ang ibang miyembro ng pamilya.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page