by Info @Editorial | September 14, 2024
Magandang oportunidad ang mga isinasagawang job fair upang makatulong na matugunan ang unemployment rate ng bansa. Kahapon, isinagawa ang isa sa tatlong mega job fair ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Isinagawa ng ahensya ang job fair sa 69 sites sa buong bansa. Kung saan, hindi bababa sa 915 employers ang nagpatala para sa proyekto, na inaasahang pupunan sa kabuuang 67,022 job vacancies.
Ang top vacancies ay production operator/worker (5,597), customer service representatives (1,420), cashier/bagger/sales clerk (977), laborer/carpenter/painter (502), at waiter/server/cook/service crew (433).
Kabilang sa top industries na lalahok sa job fairs ang manufacturing, business process outsourcing, retail and sales, construction, at financial and insurance activities.Ang dalawang iba pang job fairs ay idaraos sa Setyembre 18 hanggang 20 sa World Trade Center at Setyembre 19 hanggang 21 sa SMX Convention Center.
Una nang iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang paglobo ng bilang ng walang trabaho sa 2.38 million noong Hulyo. Ang pagtaas ng unemployment rate noong Hulyo ay dahil sa kawalan ng trabaho ng mga may edad 15 hanggang 24 sa naturang buwan. Marami umanong bagong graduates mula kolehiyo at senior high school ang hindi nakahanap ng trabaho.
Katumbas ito ng unemployment rate na 4.7%, mas mataas sa 3.1% joblessness rate noong Hunyo.Ang bilang ng mga may trabaho noong Hulyo ay bumaba rin sa 47.70 million mula 50.28 million noong Hunyo, katumbas ng employment rate na 95.3% mula 96.9% month-on-month.Naitala naman ang underemployment rate sa 12.1%, katumbas ng 5.78 million ng 47.70 million employed individuals na naghahangad ng karagdagang oras ng trabaho sa kanilang kasalukuyang trabaho, o magkaroon ng iba pang trabaho na may mas mahabang oras ng trabaho.
Sa panahon ng mabilis na pagbabago sa ekonomiya at teknolohiya, ang job fair ay isang mahalagang bagay na nagbibigay ng pagkakataon para sa mga naghahanap ng trabaho at sa mga employer.
Ang layunin ng job fair ay hindi lamang makahanap ng mga angkop na kandidato para sa mga bakanteng posisyon, kundi upang maglatag din ng tulay na magdurugtong sa mga talento at oportunidad. Sa ganitong paraan, ang job fair ay hindi lamang nagiging daan para sa pagkuha ng trabaho kundi isang mahalagang bahagi ng proseso ng recruitment.
Ang tagumpay ng job fair ay hindi nasusukat lamang sa dami ng mga aplikante o sa bilang ng mga na-employ na kandidato. Ito rin ay makikita sa kalidad ng mga koneksyon at networking na naganap sa pagitan ng mga kumpanya at mga aplikante.
Sa huli, ang layunin ay ang pagbuo ng mas matibay na pundasyon para sa hinaharap ng bawat indibidwal sa larangan ng kanilang piniling propesyon.
Comments