ni Anthony E. Servinio @Sports | June 18, 2023
Magsilbi sana itong aral para sa lahat ng atletang propesyunal na bantayan ang lahat ng kanilang pampublikong kinikilos lalo na sa social media. Pinatawan si All-Star Ja Morant ng Memphis Grizzlies ng parusang suspensiyon sa unang 25 laro ng parating na 2023-2024 NBA matapos siyang muling nagpalabas ng bidyo na may hawak na baril.
Ito na ang pangalawang paglabag ni Morant na suspendido ng pinagsamang 9 na laro ng sariling koponan at ng liga noong Marso bunga ng bidyo na kinunan sa isang club sa Denver noong dumayo ang Grizzlies sa World Champion Nuggets. Ang bagong bidyo ay lumabas noong Mayo 13 kung saan hawak niya ang baril kasama ang ilang kaibigan sa isang party sa Memphis.
Maaaring sa Disyembre na makababalik-aksiyon si Morant subalit bawal din siyang sumali sa ensayo o kahit anong aktibidad ng Grizzlies. Kakaltasan din ang kanyang suweldo ng tinatayang $300,000 (P16.7M) bawat laro o kabuuang $7.5M (P418.3M).
Samantala, nagpasya ang alamat na si Michael Jordan na ibenta na ang kanyang pagmamay-aring Charlotte Hornets sa grupo ng mga mamumuhunan sa pangunguna ng mga negosyanteng sina Gabe Plotkin at Rick Schnall. Mananatili pa rin siya na may maliit na bahagi ng koponan na binili niya noong 2010 noong ang kanilang pangalan ay Charlotte Bobcats.
Hindi binanggit ng opisyal na pahayag ng Hornets kung magkano inabot ang transaksyon. Ayon sa ilang nakakaalam sa negosasyon, maaaring kikita si Jordan ng $2B (P111.55B) pero hudyat na rin ito ng pagkawala ng nag-iisang may-ari sa NBA na Aprikanong-Amerikano.
Sa kasamaang palad, hindi natumbasan ni Jordan ang kanyang husay bilang manlalaro sa kanyang bagong papel bilang may-ari at tagapangasiwa ng koponan.
תגובות