ni Anthony E. Servinio @Sports | Dec. 11, 2024
Photo: HOKA Trilogy Run Asia - FB
Matagumpay na nagwakas ang 2024 HOKA Trilogy Run Asia National Finals noong Linggo ng umaga sa Mall of Asia.
Pinangunahan nina Edsel Moral at Maricar Camacho ang tampok na Marathon laban sa kanilang kapwa-kampeon mula sa isang taong serye ng mga karera na umikot sa buong bansa.
Malaking tagumpay ito para sa Bikolanong si Moral na inamin na baguhan lang siya sa pagtakbo ng 42.195 kilometro at umoras ng 2:46:43.
Mag-isa siyang tumawid ng arko at naghintay bago dumating na pangalawang si James Kevin Cruz (2:54:25) at pangatlo Rudy Nino Singular (2:54:53). Nagbabantayan ang mga nangunguna bago magpasya si Moral na iwanan sila habang umiikot sa Intramuros bago bumalik ng MOA.
Nagawang ipagsabay ni Moral ang ensayo sa kanyang trabaho sa isang pabrika at nag-kampeon din siya sa 32 kilometro sa Davao Leg Three noong Oktubre 20.
Naging madali ang takbo para sa beteranang si Camacho sa gitna ng pagliban ng ilan sa kanyang mga karibal sa 3:25:28.
Pangalawa si Jennelyn Isibido (3:37:07) at pangatlo si Honey Damian (3:56:29). Mabigat na paborito si Camacho na kampeon sa 21 at 32 kilometro sa pangalawa at pangatlong yugto sa Metro Manila noong Hunyo at Agosto.
Pangatlo lang siya sa 16 kilometro sa pambungad na yugto noong Abril. Sa gitna ng tagumpay ng 2024 ay nakahanda na ang kalendaryo at maaari na magpalista ng maaga para sa bagong serye sa 2025 na magiging Sante Barley Trilogy Run Asia handog ng HOKA.
Ayon kay Race Director Coach Rio dela Cruz, bibigyan ang mga karera ng basbas ng World Athletics at maaaring gamitin ang resulta upang makalahok sa mga malalaking pandaigdigang karera.
Ang mga unang karera ay gaganapin sa Cagayan de Oro (Marso 2) Iloilo (9), Metro Manila (16), Davao (23) at Cebu (30). Ang National Finals ay babalik sa mas maagang Nobyembre 9 sa MOA.
Kommentare