ni MC @Sports | February 19, 2023
Umaariba ang mga beteranong swimmers, ngunit patuloy ang agaw-pansin ng mga junior standout sa pangunguna ni Micaela Jasmine Mojdeh ng Behrouz Elite Swim Team sa ikalawang araw ng National tryouts nitong Biyernes para mapili ang mga miyembro ng Philippine Team na isasabak sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia sa Mayo 6-17.
Nadugtungan ng 16-anyos National Junior record holder at Palarong Pambansa phenom ang ratsada sa unang araw ng qualifying nitong Huwebes sa isa pang impresibong gold medal win sa women’s 200m butterfly sa tiyempong 2 minuto at 20.76 segundo. Ang naitalang oras ay lagpas sa qualifying time-B na 2:22.71 para sa SEAG criteria.
Sumegunda sa kanya si Camille Buico ng Rising Atlantis sa tiyempong 2:22.26 na pasok din sa QT-B, habang bronze medalist si Mishka Sy ng QC Bucaneers (2:25.04).
Ito ang ikalawang gintong medalya ng premyadong student-athlete ng Brent International at tanyag bilang ‘Water Beast’ sa apat na araw na torneo na inorganisa ng Stabilization Committee na inatasan ng World Aquatics na pamunuan pansamantala ang Philippine swimming habang hindi pa naisasagawa ang bagong halalan matapos bawian ng pagkilala ng International Swimming body ang Philippine Swimming Inc. gayundin ang lahat ng Board members nito.
“We’re really excited. This is better than last year qualifier. Mas masaya, mas maraming nanonood. Last year kasi dahil din siguro sa COVID konti lang kaming participants sa qualifying para dalawa kaming naglalaban sa isang event. Walang hyped, compared this year, feeling ko mas ready ang lahat,” pahayag ni Mojdeh, naunang nagwagi sa women’s 200m Individual Medley sa oras na 2:27.44.
Humirit din ang kasangga niya sa Behrouz squad na si Geoffrey James Liberato sa men’s 200m breast sa oras na 2:28.54 kontra kina Grieco Limfilipino ng Ayala Harpoon (2:31.15) at Joseph Arca ng Alcantara Aquatics (2:31.42).
Humirit naman ang two-time Olympian na si Jasmine Alkhaldi ng Ayala Harpoon sa women’s 100m free sa tyempong 57.40 segundo laban sa kapwa beterano na si Xiandi Chua ng Top Swim sa gabuhok na layong 57.42 segundo. Kapwa pasok sa QT-B na 57.84 ang oras ng dalawa. Nakopo ni Canille Buico ang bronze medal (58.42).
Comments