ni Mary Gutierrez Almirañez | May 5, 2021
Inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization (EUA) para sa bakunang Moderna kontra COVID-19 ng US pharmaceutical firm, ayon sa kumpirmasyon ni FDA General Director Eric Domingo ngayong umaga, Mayo 5.
Nilinaw ni Domingo sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay forum na inabot nang mahigit 9 na araw ang pag-e-evaluate nila sa mga isinumiteng dokumento ng Moderna bago naaprubahan ang EUA application nito.
Matatandaan namang sinabi ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. na tinatayang 13 million doses ng Moderna ang binili ng pamahalaan at karagdagang 7 million doses nito ang binili ng private sectors na inaasahang ide-deliver sa bansa ngayong taon.
Nauna na ring nagpaabot ng liham si Senator Manny Paquiao kay US President Joseph Biden upang hilingin na pabilisin nito ang pagdating ng 20 million doses ng Moderna COVID-19 vaccines sa ‘Pinas.
Sa ngayon ay Sputnik V, AstraZeneca, Sinovac, Pfizer at Moderna pa lamang ang mga bakuna kontra COVID-19 na aprubado ng FDA ang EUA.
Commentaires