ni Zel Fernandez | April 29, 2022
Aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na naggagarantiya sa benepisyo at allowances ng mga public at private healthcare workers sa panahon ng COVID-19 pandemic at maging ng iba pang public health emergency sa bansa sa hinaharap.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11712 o Public Health Emergeny Benefits and Allowances for Health Care Workers Act, layunin ng mandato na tuluy-tuloy nang makatanggap ng benepisyo at suporta mula sa pamahalaan ang mga health care workers, parehong mula sa pampubliko at pampribadong mga institusyon.
Kaugnay ito ng pagkilala ng konstitusyon sa kritikal na gampanin ng mga health care workers upang masiguro ang kalusugan at kaligtasan ng mga mamamayan sa bansa.
Bilang tugon sa malaking responsibilidad na nakaatang sa mga kamay ng mga manggagawa sa larangang pangkalusugan, nais ding tiyakin ng gobyerno na maging ang mga 'modern day heroes' sa panahon ng pandemya at mga sakuna ay mabibigyan din ng proteksiyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng suporta sa mga benepisyaryo ng nilagdaang batas.
Comments