top of page
Search
BULGAR

Mock polls, praktis pa more!

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 04, 2022



Apat na buwan na lang eleksiyon na. Kamakailan, natapos na rin ang mock elections sa ilang piling lugar para masiguro ang kahandaan ng ating bansa sa paparating na halalan.


Pero ‘yun nga lang, dahil praktis pa lang ito, marami tayong nakitang butas o problemang teknikal sa isinagawang mock polls. Kapag hindi naisaayos pihadong malalagay din sa peligro ang kaayusan ng ating eleksiyon sa Mayo, ‘di ba?


Kabilang dito ang aberya sa transmission ng boto dulot ng mahinang internet signal, ang mahabang oras ng pagpila sa presinto, hindi mahanap na pangalan at voting precinct, kung saan natagalan ang mga botante.


Hindi ba ang target ng Comelec ang 10-minuto at 47-segundo na bilis ng pagboto ng bawat botante, eh, ang tanong, keri bang gawin ‘yan kung maraming butas o aberyang lumabas sa mock polls pa lang?


Sa mock polls, kamakailan ay nakulangan tayo sa partisipasyon ng Department of Health.


Napakahalaga niyan para sa kaligtasan ng mga botante ngayong may pandemya.


Sa harap niyan bilang chairman ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation, IMEEsolusyon natin ay ipaulit sa Comelec ang mock polls sa mga piling lugar para masubukan kung naitama na ang mga butas sa teknikal na problema.


Ikalawa, kailangan ibigay nang maaga ng Comelec ang voting precinct number ng mga botante na magsisigurong mabilis silang makaboboto, maiiwasan ang mahabang pila at hindi na magkakagulo sa paghahanap nito.


Maigi rin kung mai-online ng Comelec at i-post agad sa bawat mga barangay ang mga voting precinct number ng mga botante, gayundin ang mga guidelines para sa mabilis na pagboto.


Nakapanghihinayang talaga na hindi naipasa ang ating Expanded Early Voting Bill na magiging daan sana para mas maagang makaboto ang mga buntis, senior citizen at PWDs para maiwasan din sana ang mahabang pila.


Nasa gitna pa tayo ng pandemya, kailangang plantsado na lahat at hindi magkaroon ng aberya sa mga teknikal na aspeto at health protocols ang botohan. Kaya sana Comelec, plis lang, paki paspasan na ang mga dapat gawin at gamutin na ang maliliit na butas na ‘yan para sa mabilis, iwas-COVID-19, mapayapa at maayos na eleksiyon. Agree?



0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page