ni Ambet Nabus @Let's See | September 2, 2024
“Kahit abutin pa s’ya ng limang oras sa traffic, ‘di pa rin magbabago ang sistema sa kahabaan ng EDSA,” sigaw ng mga netizens na nag-react sa naging post ni Cong. Richard Gomez kamakailan nang maipit siya sa traffic.
Sandamakmak ang negatibong reaksiyon kay Goma at tinawag pa siyang “sobrang entitled” ng karamihan. Rumesbak naman ang aktor-pulitiko at nagpaliwanag na opinyon niya at saloobin ng mga sandaling iyon ang kanyang ‘rant’ hinggil sa paggamit ng bus lane kapag oras ng matinding traffic.
Ang nakakatuwa sa senaryong ito, ayon sa aming mga nakausap, ang mga ahensiyang involved sa isyu gaya ng MMDA at iba pa ay ikinonsidera ang suhestiyon ng mambabatas mula sa Leyte.
‘Yun nga lang, sa dami ng mga bashers na agad hinusgahan ang pagiging opinionated at vocal ni Goma, nagmukha tuloy siyang kontrabida.
“MAGALING tumayming. Mukhang planted at scripted,” sey naman ng mga nagsasabing parte ng drama ni Kyline Alcantara ang nag-viral na “kandong scene” nito kay Kobe Paras.
Mayroon daw kasing lalabas na teleserye ang aktres na tila sobrang ‘nega’ sa socmed (social media) ang imahe, to the point na tinatawag na siyang malandi, woman of the world, at diumano ay mahilig sa lalaki.
Pati nga ang mga magulang nito ay nadadamay na sa usapin, lalo’t marami ang kumukuwestiyon sa klase ng pagpapalaki sa dalaga.
And yes, kahit ang mga nananahimik na sina Carmina Villarroel at anak nitong si Mavy Legazpi, na huling naging nobyo ni Kyline ay nababanggit din sa mga usapin.
Sa huling interbyu kay Kyline ni Tito Boy Abunda sa Fast Talk with Boy Abunda (FT), wala rin naman itong pag-amin na ginawa sa totoong relasyon niya kay Kobe Paras. Wala umano siyang dapat na ipaliwanag kahit kanino tungkol sa isyu.
‘Kalokah, pero bakit pa siya nagpapainterbyu at nag-artista kung sa mga socmed posts pala niya ay nakukuwestiyon ang pagka-babae niya?
Hmmm…. Ano pa kaya ang kasunod na kabanata sa dramang ito ni Kyline na gusto yatang magkaroon ng image bilang “bad girl gone wild” ng bagong henerasyon?
HINDI naman masyadong pinatulan ng showbiz ang ginawang pagre-resign ni vlogger MJ Cayabyab bilang isa sa mga co-hosts sa Wil to Win (WTW) ni Willie Revillame.
Although, kalat na kalat na ang mga tsika sa kakaibang sistema ni Willie sa pagpapatakbo ng show kasama na ang madalas nitong pagiging personal sa mga kasama, wala namang naglalakas-loob na diretsuhin ito o tawagin ang atensiyon nito para maikorek kung sakali.
Kahit ang sinasabing “pangingialam” nito sa direktor ng show na si Randy Santiago, na matalik niyang kaibigan ay wala ring pumatol dahil tanggap na nga ng lahat ang tila “one man show” rule ng host.
At ‘yung tsismis na mas marami pang aalis na staff at hosts ay hindi na rin bago dahil sabi nga namin, hangga’t si Willie Revillame ang boss at prodyuser ng show, lahat ng mga nandiyan ay “tauhan” lang niya. May aalis, may papalit.
‘Yun lang!
Comentários