ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | September 30, 2023
Sa tuwing mauungkat ang pagbaha sa Metro Manila ay palagi na lamang tayong naghahanap ng masisisi at ang mga ahensya ng pamahalaan na itinalaga para pangasiwaan ang problema sa baha ay tila hindi naman epektibo.
Sa halip na gawan ng paraan upang hindi na bumaha ay kung anu-anong katuwiran sa interview ang sinasabi kaya grabe ang pagbaha. Pagkatapos ng interview ay huhupa na ang sitwasyon at maghahanda na naman ng bagong ikakatuwiran para sa susunod na pagbaha.
Pero, mas nakakagulat pa kumpara sa hindi masolusyonang pagbaha nang kumalat ang balita na ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ay tumatanggap pala ng intelligence fund simula pa noong 2018.
Medyo mainit pa naman ang usapin hinggil sa kung anu-anong fund na hinihingi ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno dahil bukod sa intelligence ay may confidential fund pa na hindi maintindihan ng marami nating kababayan na masyadong sensitibo kapag kaban ng bayan ang pinag-uusapan.
Ngayon heto at kinukuwestiyon ng kasama natin sa Kongreso na si Rep. Raoul Manuel noong nakaraang Setyembre 26, ang proposed P21 milyong intelligence funds para sa Metro Manila Development Authority (MMDA) sa taong 2024.
At maging ang inyong lingkod ay inusisa ang intelligence fund na tinatamasa ng MMDA at tahasang kinumpirma ni Caloocan City 2nd District Rep. Mary Mitzi Cajayon-Uy na ang naturang ahensya ay tumatanggap ng intelligence fund simula pa noong 2018.
Tulad ng marami nating kababayan na nabigla sa intelligence fund ng MMDA ay inalam natin ang dahilan kung bakit kailangan ng naturang ahensya ng intelligence fund, at inalam din natin kung nagsasagawa ba ng intelligence at counter intelligence operations ang MMDA.
Bilang budget sponsor ng MMDA, ipinaliwanag ni Rep. Uy na ang MMDA umano ay bahagi ng Metro Manila Network Against Terrorism (MNAT) sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ang sinusunod na guidelines hinggil dito ay aprubado ng Metro Manila Council.
Kung anggulo ng katuwiran ang pag-uusapan, tila pasok naman ang paliwanag ni Rep. Uy ngunit tila hindi kumbinsido ang ating mga kababayan kung bakit binibigyan ng intelligence fund ang MMDA.
Maliwanag kasi na hindi entitled o karapat-dapat sa intelligence fund ang MMDA, kung may mga nais silang proyekto o makabuluhang gawain na gusto nilang gawin ay wala namang problema basta’t tiyakin lamang na galing ito sa ibang available funds pero hindi galing sa intelligence fund.
Kung pagbabasehan natin ang joint circular no. 2015-01, ang mga gastusin hinggil sa intelligence tulad ng information gatherings activities ay karaniwang ginagawa ng mga military personnel at intelligence practitioners upang mapaghandaan ang anumang banta sa national security.
Sa mismong circular ay nakasaad ang mga eksperto o agents na nakatalaga at awtorisado na magsagawa ng intelligence information gatherings at surveillance activities. Nakadetalye ang mga ahensya ng pamahalaan at hindi kasama sa listahan ang MMDA.
Nangunguna ang Department of National Defense Online Sexual Exploitation of Children and Government Arsenal; Philippine Navy; Philippine Air Force; Philippine Army; Armed Forces of the Philippines-General Headquarters; Philippine National Police; National Intelligence Coordinating Agency; Philippine Drug Enforcement Agency at iba pang national government agencies na may nakalaang pondo sa ilalim ng General Appropriation Act (GAA) o iba pang batas.
May punto rin talaga si Rep. Manuel na hindi kasama ang MMDA sa kategorya ng uniformed at military personnel o kahit anong intelligence practitioner.
Nasa P21 milyong intelligence fund ang pinag-uusapan natin dito at mabuting naungkat ang isyung ito para maitama o kaya ay maipaliwanag nang maayos sa taumbayan kung bakit may intelligence fund ang MMDA.
Hindi tayo tutol na paglaanan ng pondo ang MMDA, ang punto ko lang dapat ay maintindihan ng taumbayan ang papel na ginagampanan ng MMDA kung bakit sila may intelligence fund para maliwanagan kung dapat pa ba silang bigyan o hindi na.
Huwag naman natin agad na kondenahin ang MMDA, dahil posibleng may mga ginagastusan silang impormante para magbantay at magbigay ng impormasyon kung may paparating na baha at kung sino ang naglalagay ng bara sa mga drainage kaya bumabaha.
Tulad nitong isa sa pinakahuling insidente ng pagbaha, may nakuha umano silang isang buong plywood na nakabara sa isang drainage kaya nagbaha ang maraming lugar sa Metro Manila.
Hayyyyyy!
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comentários