ni Mary Gutierrez Almirañez | February 18, 2021
Nagkasundo ang Metro Manila mayors na ibaba sa edad 15 ang mga papayagang lumabas ng bahay, taliwas sa 5 hanggang 75-anyos na unang rekomendasyon ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Ayon kay MMDA Chairman Benjamin Abalos Jr., prayoridad ng mga alkalde ang pagbababa sa edad ng mga papayagang lumabas.
Binigyang-diin din niya ang pagtutol ng mga ito sa pagbubukas ng mga tradisyunal na sinehan. Gayunman, nakahanda pa ring sumunod ang mga ito sa rekomendasyon ng IATF.
Sa ngayon ay pinag-aaralan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala ng mga alkalde.
Giit pa ni Presidential Spokesperson Harry Roque, asahan na ring tatalakayin sa Cabinet meeting sa ika-22 ng Pebrero ang panukalang pilot testing para sa face-to-face classes sa mga lugar na may mababang kaso ng COVID-19.
Aniya, ang mga panukalang iyan ay dahan-dahang ipatutupad sa loob ng limang taon habang umuusad ang vaccination program ng pamahalaan.
Comments