top of page
Search
  • BULGAR

Mitchell ng Cavaliers at Embiid ng 76ers, sakalam

ni Anthony E. Servinio @Sports | March 8, 2023




Naging mas matatag sa overtime ang Cleveland Cavaliers upang pabagsakin ang Boston Celtics, 118-114, sa NBA kahapon mula sa Rocket Mortgage FieldHouse. Kasabay nito ay lalong humigpit ang karera sa taas ng Eastern Conference matapos ang 147-143 panalo ng Philadelphia 76ers sa Indiana Pacers.

Ipinasok nina Donovan Mitchell at Lamar Stevens ng Cavs ang pitong sunod-sunod na puntos upang itayo ang 116-112 lamang at 1:47 sa orasan. Humirit ng shoot si Jaylen Brown upang saglit magbanta, 114-116, subalit walang kabang gumawa ng dalawang free throw si Darius Garland upang mapreserba ang panalo na may siyam na segundong nalalabi.

Nanguna sa Cavs si Mitchell na may 41 puntos at 11 rebound habang 25 puntos at 17 rebound si Evan Mobley. Umangat ang Cleveland sa 41-26 habang tatlong sunod na ang talo ng dating numero uno sa NBA Boston at bumaba sa 45-21.

Sinayang ng Celtics ang pagkakataon na tapusin agad ang laro pero nagmintis ng dalawang free throw si Grant Williams na may 0.8 segundo sa 4th quarter. Hindi naglaro si Jayson Tatum dahil may pasa sa tuhod kaya mag-isa si Brown at nagsumite ng 32 puntos at 13 rebound.

Umarangkada ang 76ers sa 132-121 lamang papasok sa huling anim na minuto at ito ay sumapat sa gitna ng tangkang paghabol ng Pacers. Nagtala ng 42 puntos si Joel Embiid at sumuporta si Tyrese Maxey sa kanyang 24 puntos para sa kanilang ika-42 panalo at lumapit sa Celtics at numero unong Milwaukee Bucks (46-18).

Pinalakas ng Denver Nuggets ang hawak sa liderato ng Western Conference sa 118-113 tagumpay sa Toronto Raptors. Bumawi ang Nuggets (46-19) sa last two minutes sa likod nina MVP Nikola Jokic at Jamal Murray at binura ang 111-105 abante ng Raptors (32-34).

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page