ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 26, 2021
Nangyari ang inaasahan at tinambakan ng numero unong Utah Jazz ang kulang na Brooklyn Nets, 118-88, sa pagbabalik ng NBA kahapon sa Vivint Arena. Walang-kabang nakamit ng Jazz ang kanilang ika-32 na panalo sa gitna ng sabay na pagliban ng “Big Three” ng Nets na bumagsak sa ikatlong pwesto sa Eastern Conference.
Hindi nagpreno ang Jazz at pinaabot ng 38 ang lamang sa third quarter, 78-40. Namuno sa panalo sina Donovan Mitchell na may 27 at Mike Conley Jr. habang hindi naglaro sa Nets sina James Harden (leeg), Kevin Durant (hita) at Kyrie Irving (usapin sa pamilya).
Sinayang ng Milwaukee Bucks ang 25 puntos na lamang sa third quarter at kumapit sa huling minuto upang lusutan ang Boston Celtics, 121-119. Bumida sina Khris Middleton sa 27 puntos at 13 rebounds habang nag-ambag ng 21 ang reserbang si Bobby Portis.
Sumaksak para sa dalawang puntos si Evan Fournier na may 6.4 segundong nalalabi upang itulak ang Orlando Magic kontra sa Phoenix Suns, 112-111. Nagtapos si Fournier na may walo sa kanyang 21 puntos habang double-double si All-Star Nikola Vucevic.
Dinurog ng bisitang Los Angeles Clippers ang San Antonio Spurs, 134-101. Bumida si All-Star Kawhi Leonard na may 25 puntos. Sa ibang laro, dumagdag ang Indiana Pacers sa lungkot ng kulelat ng East Detroit Pistons, 116-111. Nagtala si Caris LeVert ng 29 puntos.
Wagi ang Sacramento Kings sa Atlanta Hawks, 110-108, sa likod ng dalawang free throw ni rookie Tyrese Haliburton na may 36 segundo sa orasan. Uminit para sa 37 puntos si De’Aaron Fox at sinundan ni Haliburton na may 17 at patibayin ang estado bilang isa sa nangunguna para sa 2021 Rookie of theYear. Balik sa talo ang Houston Rockets at nanaig ang Charlotte Hornets, 122-97.
Hinila pababa ng Cleveland Cavaliers ang Chicago Bulls, 103-94. Wagi ang Toronto Raptors sa bisitang Denver Nuggets, 135-111. Tagumpay ang Memphis Grizzlies laban sa Oklahoma City Thunder, 116-107. Nanalo ang Dallas Mavericks sa Minnesota Timberwolves, 128-108.
Comments