ni Lolet Abania | December 28, 2021
Nagpositibo rin sa test sa COVID-19 ang mister ng iniulat na ikaapat na kaso ng Omicron variant habang nakatakdang isailalim ito sa genome sequencing, ayon sa Department of Health (DOH).
Sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na na-traced na nila ang mga naging close contacts ng 38-anyos na babae na nanggaling sa United States at dumating sa Ninoy Aquino International Airport noong Disyembre 10.
“Her husband turned positive also. He’s currently in the isolation facility,” ani Vergeire sa isang interview ngayong Martes.
Ayon kay Vergeire, nakakolekta sila ng samples mula sa asawang lalaki at isinailalim ito sa genome sequencing, kung saan maaaring lumabas ang resulta matapos ang 24 hanggang 48 oras.
“What we are challenged with right now would be the submissions of laboratories in our epidemiology and surveillance units to submit immediately these samples to the Philippine Genome Center so we could immediately process and release the results at once,” paliwanag ni Vergeire.
Batay sa DOH, noong Disyembre 25, lumabas ang positibong resulta para sa Omicron variant ng naturang traveler at nakaiskedyul namang muli siyang i-test ng Martes.
Nakumpleto na rin ng traveler ang dalawang doses ng Moderna COVID-19 vaccine. Lumabas na rin mula sa isolation facility noong Biyernes at sa ngayon ay naka-home quarantine na habang patuloy siyang mino-monitor.
Sinabi pa ni Vergeire na ang pamilya ng traveler at mga naging close contacts sa bahay ay sumailalim na rin sa isolation.
Samantala, sinusubukan pa rin ng DOH na idetermina pa ang mga nakasalamuhang mga pasahero ng nasabing traveler sa Philippine Airlines flight PR 127.
“We are going to apply the epidemiological definition of close contact in terms of riding a plane—that would be four seats in front, four seats beside, and four seats at the back,” sabi ni Vergeire.
Sa hiwalay naman na interview, ayon kay Vergeire ang lahat ng apat na Omicron cases sa bansa ay “mild” symptoms lamang.
“’Yung isa nagkaroon ng cough pero after 2 or 3 days, was resolved. Itong latest natin na detection nagkaroon ng scratchy throat and parang colds, then after about 2 or 3 days also has resolved,” ani opisyal.
Gayunman, nilinaw ni Vergeire na hindi pa ito maituturing na conclusive dahil apat pa lamang na pasyente na tinamaan ng Omicron variant sa bansa ang kanilang inoobserbahan at wala pa silang nakikitang ibang katangian na mayroon sa Omicron variant.
Comments