ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 30, 2024
Dear Chief Acosta,
Idinawit ang tiyuhin ko sa reklamong kriminal na isinampa laban sa kanya ng dating kinasama. Sa kasamaang palad, sila ay kapwa nahatulan ng pagkakakulong. Dahil sa kakulangang pinansyal, hindi nakapag-apela ang tiyuhin ko. Kamakailan ay nabalitaan niya na nakapag-apela ang kanyang dating kinasama at na-acquit umano ito. Kung sakaling totoo ang balitang iyon, maaari rin kayang makinabang ang tiyuhin ko sa nasabing pabor na desisyon sa apela? -- Martin
Dear Martin,
Alinsunod sa ating Revised Rules of Criminal Procedure, ang sinumang partido sa kasong kriminal ay maaaring kuwestiyunin ang hatol o pinal na kautusan ng hukuman sa pamamagitan ng paghahain ng apela, maliban na lamang kung ang akusado ay malalagay sa double jeopardy. Ang patakarang ito ay nakasaad sa Section 1 ng Rule 122 nito:
“Section 1. Who may appeal. — Any party may appeal from a judgment or final order, unless the accused will be placed in double jeopardy.”
Hindi minamandato ng ating batas na lahat ng mga naakusahan, kung higit sa isa ang akusado sa isang kasong kriminal, ang maghahain ng apela. Maaaring isa o ilan lamang sa naakusahan ang maghain ng kanyang o kanilang apela. Sa ganitong sitwasyon, nais naming bigyang-diin na sa pangkalahatan, hindi maaaring makaapekto sa hindi nag-apelang akusado kung ano man ang kalalabasan sa inihaing apela ng kanyang kapwa akusado. Gayon pa man, kung ang desisyon ng appellate court ay pabor at makabubuti sa akusadong hindi umapela, maaaring makinabang ang kapwa akusado nito kahit na ang huli ay hindi nakapaghain ng apela. Ito ay alinsunod sa Section 11 ng Rule 122:
“Section 11. Effect of appeal by any of several accused. —
An appeal taken by one or more of several accused shall not affect those who did not appeal, except insofar as the judgment of the appellate court is favorable and applicable to the latter; x x x”
Sa sitwasyon ng iyong tiyuhin, maaari siyang makinabang sa naging desisyon sa apela na inihain ng kanyang dating kinasama, kung totoo na naipagkaloob sa huli ang acquittal o pagpapawalang-sala. Kahit pa hindi nakapaghain ng kanyang apela ang iyong tiyuhin, anuman ang dahilan, maaaring maigawad sa kanya ang anumang pabor na desisyon sa apela ng kanyang kapwa akusado. Ipinaliwanag ng ating Korte Suprema sa kasong People of the Philippines vs. Joseph Pontijos Libre @ “Joyjoy” and Leonila Pueblas Libre (G.R. No. 235980, August 20, 2018), sa panulat ni Honorable Associate Justice Estela M. Perlas-Bernabe, na maliban sa nabubuksang muli ang buong kaso sa pamamagitan ng apela at maaaring mabago ang anumang naunang desisyon na ipinalabas ng mababang hukuman, ipinag-uutos sa nabanggit na probisyon ng Section 11 ng Rule 122 ng ating Revised Rules of Criminal Procedure ang pag-extend ng pabor na desisyon sa kapwa akusado sa parehong kaso:
“At the outset, it must be stressed that an appeal in criminal cases opens the entire case for review, and thus, it is the duty of the reviewing tribunal to correct, cite, and appreciate errors in the appealed judgment whether they are assigned or unassigned.
‘The appeal confers the appellate court full jurisdiction over the case and renders such court competent to examine records, revise the judgment appealed from, increase the penalty, and cite the proper provision of the penal law.’
x x x
While it is true that it was only Leonila who successfully perfected her appeal, the rule is that an appeal in a criminal proceeding throws the entire case out in the open, including those not raised by the parties. Considering that, under Section 11 (a), Rule 122 of the Revised Rules of Criminal Procedure as above-quoted, a favorable judgment - as in this case - shall benefit the co-accused who did not appeal or those who appealed from their judgments of conviction but for one reason or another, the conviction became final and executory, Leonila’s acquittal for the crime charged is likewise applicable to Joseph.”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments