ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 18, 2023
Ang pagkakasundo at pagsasama-sama ng mga tao sa iba’t ibang larangan ay kagiliw-giliw. ‘Ika nga, “no man is an island.” Ang bawat isa ay nangangailangan ng tulong ng iba upang magtagumpay sa anumang adhikain.
Gayunman, ang pagkakasundo at pagsasama-samang ito ay nagkakaroon ng masamang epekto kapag ginamit na sa layuning ikakapahamak ng ating kapwa tao.
Sa ganitong sitwasyon nabibilang o nagagamit ang salitang conspiracy o pagsasabwatan na siyang nagiging sanhi ng patuloy na pagdaing sa hukay ng biktimang napaslang sa isang karumal-dumal na krimen na tinalakay sa isang kasong hawak ng Public Attorney’s Office (PAO).
Ang nasabing kaso ay ang People of the Philippines vs. Renato De Guzman et al. (G.R. No. 241248, June 23, 2021, Ponente: Honorable Associate Justice Edgardo L. Delos Santos). Narito ang kaugnay na kuwento ng nasabing kaso.
Ang conspiracy ay kinakailangan na mapatunayan sa hukuman upang ang lahat ng mga akusado sa isang krimen ay mapanagot at mapatawan ng angkop na kaparusahan.
Kung hindi makapagsusumite ang prosekusyon ng malinaw at matibay na ebidensya na magpapatunay sa naging sabwatan ay maaaring mapawalang-sala ang mga naakusahan.
Katulad na lamang ng kinalabasan ng isinulong na kaso ni A. Si A at ang kanyang asawa na si B ay mga residente ng munisipalidad ng Ramon, Isabela. Ikalawa ng Abril taong 2007, kasama ang kanilang apat na taong gulang na anak, nang sapitin nila ang napakalagim na trahedya.
Batay sa bersyon ng prosekusyon, bandang alas-9:00 ng gabi ay pinasok sila sa kanilang tahanan ni Renelito Valdez at Romeo Cabico. Si A ay tinutukan ng patalim ni Valdez, habang si B naman ay tinutukan ng baril. Kapwa inutusan ang mag-asawa na ibigay ang kanilang pera. Nang sabihin ni A na wala silang pera ay ginalugad ng dalawa ang bahay at nakuha ang halagang dalawang libo at limang-daang piso, pati na rin ang isang relo na nagkakahalaga ng isang libong piso.
Hindi pa nakuntento sa ginawang puwersahang pagnanakaw, hinila ni Valdez si A sa isang silid at do’n ay makailang ulit na ginahasa. Batid ni B ang ginawang kahayupan sa kanyang asawa, kung kaya’t nang makakita ng pagkakataon ay agad itong sumigaw ng “takbo na!” Bagama’t nakatakbo sila palabas ng bahay, nando’n naman si Renato De Guzman, nang makita si B, ay pinaputukan ito ng hawak niyang baril.
Ayon kay A, nakita niya agad na tumakbo at tumakas sina De Guzman, Valdez at Cabico.
Nakita rin ni A na tumakbo sina Michael Domingo at Bringle Balacanao. Kahit na sumaklolo ang mga kapatid ni B na sina D at E, binawian pa rin ng buhay si B.
Matinding lungkot at paghihinagpis ang sinapit ni A, bunsod sa malagim na gabing iyon.
Dahilan upang isulong niya ang pagsasampa ng reklamo laban sa limang lalaki.
Nanatiling at large sina De Guzman at Cabico, kung kaya’t naisulong lamang ang paglilitis laban kina Valdez, Domingo at Balacanao, na kalaunan ay nahatulan para sa krimen na Robbery with Homicide and Rape.
Hindi sang-ayon sina Domingo at Balacanao sa naging hatol sa kanila, kung kaya’t sila ay naghain ng apela na umabot hanggang sa Korte Suprema.
Ayon kina Domingo at Balacanao, hindi napatunayan ng prosekusyon na sila ay mayroong partisipasyon sa pagnanakaw na ginawa nila Valdez at Cabico, sa pamamaril na ginawa ni De Guzman na siyang kumitil sa buhay ni B. Bagama’t sila ay nakita ni A na tumakbo matapos magpaputok ng baril ni De Guzman, hindi umano ito nangangahulugan na sila ay mayroong ginawang labag sa batas at wala ring sapat na ebidensya na nagpapatunay na mayroon silang kinalaman sa mga krimen na ginawa nina Valdez, Cabico at De Guzman.
Hindi nagtagumpay ang apela nina Domingo at Balacanao sa Court of Appeals, ngunit sila naman ay napawalang-sala sa Korte Suprema sa kadahilanang hindi naging sapat ang ebidensya na isinumite ng prosekusyon.
Hindi napatunayan ang kanilang partisipasyon sa krimen o ang bintang laban sa kanila na pakikipagsabwatan. Batay sa naging desisyon ng Korte Suprema, sa panulat ni Honorable Associate Justice Edgardo L. Delos Santos:
“Although there was a positive identification of accused-appellants, there was no conclusive evidence to prove the existence of conspiracy among the accused or was there any overt act on the part of accused-appellants as to the commission of the crime.
As we have said, conspiracy transcends mere companionship and mere presence at the crime scene does not in itself amount to conspiracy. Since the prosecution failed to establish conspiracy with positive and conclusive evidence, necessarily, herein accused-appellants must be acquitted of the crimes charged.” (People of the Philippines vs. Renato De Guzman et al., G.R. No. 241248, June 23, 2021)
Kung kaya’t sa aspeto na ito ay maaaring masabi na hindi lubusang nakamit ng pumanaw na biktima na si B ang hustisya na para sana sa kanya at patuloy pa rin ang pagdaing mula sa kanyang hukay na maparusahan ang totoong pumaslang sa kanya.
Mailap man ang katarungan para sa namatay, sana ay dumating ang panahon na magkaroon ng kapayapaan ang kaluluwa niya.
Comments